LUMABAS na ang mga umano’y testigo laban kay Celso de los Angeles. Mga dating opisyal din ng Legacy Group of Companies, na hindi na talaga matanggap ang mga pinagsasabi ni de los Angeles sa mga pagdinig ng Senado ukol sa gulo ng Legacy. At ayon naman kay Philip Piccio ng Parents Enabling Parents (PEP) Coalition, kahong-kahong orihinal na mga dokumento na magpapatunay na si de los Angeles pa rin ang nagpapatakbo ng Legacy hanggang sa mga huling araw ng kumpanya. Na nilipat ni De los Angeles ang milyun-milyong pera mula sa mga kompanya ng Legacy papunta sa kanyang personal bank account. At ang pinaka-malaman na testimonya, ang pagkakasangkot ng ilang mga pulitiko, na naglagay ng mga pondo sa Legacy, at tumanggap nang malalaking komisyon o “suweldo” para protektahan nila ang Legacy habang patuloy ang operasyon nito, hanggang sa hindi na talaga masustentuhan ang mga legal na depositor at planholders nito. Pero may pahayag na naibalik ng Legacy ang mga pera ng mga pulitiko. Siyempre mga iba, hindi na. Malalamang testimonya nga naman!
Mabuti naman at naglalabasan na ang mga testigo, para patunayan ang kawalanghiyaan ni Celso de los Angeles, sa kanyang pagpapatakbo ng Legacy kung saan libu-libo ang naloko at nawalan ng kinabukasan. Napakahirap pakinggan ng mga nawalan ng pera ang mga pahayag ni De los Angeles ukol sa kanyang mga ari-arian, mga panliligaw pa niya, at pagtanggi na siya’y hindi manloloko! At para mapatunayan ang matagal na ring alam ng marami, na kaya lang nakapagnegosyo sa ganitong klaseng pamamaraan, ay dahil may mga impluwensiyang tao sa likod niya na nagbibigay ng proteksyon. May mga pulitiko umano na tumatanggap ng buwanang sustento galing kay De los Angeles. Kaya ganun na lang ang takot ng mga gusto nang tumestigo.
Isang magandang pangyayari ang paglantad ng mga testigo. Sana nga ay tuluyan nang magipit si De los Angeles, na naghamon pa sa mga umaakusa sa kanya na sampahan siya ng kaso. Hindi magiging maangas ang taong ito kung walang resbak na pulitiko. At kung mapapangalanan na ang mga iyan, baka sunud-sunod na ang magbagsakang tao sa gulong ito. Napag-alaman na ang isa na buwan-buwan umano ay nakakatanggap ng P100,000 bilang umento sa kanyang partisipasyon sa Legacy. Pero matinding pagtanggi naman ang ipinahayag. Mga dokumento na siguro ang magpapatunay ng lahat. Ang tanong naman, aksyunan naman kaya ng mga Kongresista ito, o ng Ombudsman? Sa administrasyong ito, hindi malayo mangyari na ang mga salarin ay makakalaya habang ang mga nagsisiwalat ng kamalian at nagbibigay ng testimonya ay nasisira lang ang buhay.