INIT NG ULO...isang bagay na marami ng naipahamak ng masamang ugaling ito. Sa isang usapin kung saan meron matinding pagtatalo, ang taong hindi nag-iisip at dinadaan sa init ng ulo ay tiyak ng walang panalo. Ang init ng ulo ay halauan mo pa ng alak ay mauuwi sa madugong ENGKUWENTRO.
February 24, 2009 ng unang pumunta sa aming tanggapan si Alfredo Roxas upang idulog ang kanyang problema.
Si Alfredo ay 37 taong gulang, may pamilya at matagal nang naninilbihan bilang isang driver.
“Hindi ko na alam ang aking gagawin sa kasong ito. Pati ang pamilya ko ay apektado na rin sa mga nangyayari. Gusto ko ng matapos ito para makapamuhay na kami ng maayos”, sabi ni Alfredo.
May 4, 2003 bandang alas diyes ng gabi ng magkayayaan sila ng kanyang bayaw na si Ely Permulino at mga kaibigan ni Ely na sina Bubot, Alex at Robert na pumunta sa bahay ng mga magulang ni Alfredo sa Project 8 dahil fiesta dito.
Pagdating nila dun ay walang nag-iinuman kaya si Alfredo pa ang nagpabili ng isang kahong beer at mga delata pampulutan.
Inilabas nila ang vidoke at sinimulan na ang inuman sa loob ng bahay ng mga magulang nila Alfredo kasama ang nakakatandang kapatid niya na si Arnel Roxas.
Ayon kay Alfredo na nakadalawang bote ng beer lang siya dahil maaga pa ang pasok niya sa trabaho kinabukasan.
Bandang alas onse y medya ng gabi ng tumawag ang asawa ni Alfredo na si Hope Esperanza Roxas upang pauwiin na siya.
Hindi kaagad umuwi si Alfredo pero nang muling tumawag si Hope mga bandang alas dose ng madaling araw ay niyaya na niya ang kanyang mga kasama.
Naunang pumunta sila Alfredo at Bubot papunta sa owner jeep na sasakyan niya at dun hinantay ang mga kasama.
Napansin ni Alfredo na hindi sumunod ang kanyang mga kasama kaya naman pinabalikan niya ito kay Bubot para sunduin.
Pag-alis ni Bubot ay umihi muna si Alfredo sa tapat ng kanyang sasakyan. May nakita siyang isang grupo ng nag-iinuman na kumakaway sa kanya. Namukahan niya ang iba dito na mga kakilala niya kaya lumapit siya sa mga ito at nakipagkamayan at bumati ng ‘happy fiesta’.
Habang nakikipagkamayan ay meron siyang napansin na lalake na lumabas sa gate at di umano ay kinursunada siya at tinutukan siya ng baril.
“Nagulat ako sa ginawa niya sa akin dahil sigurado akong wala naman akong ginawang masama. Hindi ko siya kilala at first time ko siyang nakita nung gabing iyon,” mula kay Alfredo.
Ayon kay Alfredo na nung tinutukan siya ng baril ay agad tumayo ang kanyang kakilalang si Jessie Rumitman upang awatin ang nanutok ng baril na nakilalang si Jeffrey Delos Santos.
Tinanong ni Alfredo kung anong problema ni Jeffrey at sinabi ni Alfredo na ‘Sige putok mo nga!’.
Dumating ang nanay ni Alfredo at ang kapatid nitong si Arnel at di nagtagal ay tinutok umano muli ni Jeffrey ang baril at binaril si Alfredo.
Nakailag si Alfredo at nung mga oras na yun ay nagkagulo na. Sa ikalawang pagkakataon ay itinutok raw muli ni Jeffrey ang baril kay Alfredo ngunit sinalag ito ni Arnel kaya nung pumutok itong muli ay nakailag si Alfredo.
Nakita ni Alfredo na pilit inaagaw ni Arnel ang baril kay Jeffrey para matigil na ang gulo ngunit dahil na rin sa laki ng katawan nito ay hindi rin ito nangyari.
“Paatras na nag-aagawan ng baril si Jeffery at Arnel hanggang mapunta sila sa kanto. Nung natumba si Arnel ay naglalakad paatras si Jeffrey habang kinakalabit pa rin ang baril nito. Tinulungan ko ang kapatid kong makatayo dahil baka tuluyang pumutok ang baril at matamaan pa siya,” kwento ni Alfredo.
Nagawa siyang lapitan ni Alfredo para mahinto ang pagpilit nitong paputukin ang baril. Nung pumutok ulit ito ay naka-ilag siya at nung pagdating sa may ‘car wash’ ay nayakap ni Alfredo si Jeffrey ngunit nakatutok sa kanya ang baril nito.
Nung sasaksakin ni Alfredo si Jeffrey gamit ang kutsilyo na nakuha niya sa lamesa kung saan nag-iinuman sila Jeffery ay natapik niya ito at natapon ang katsilyo.
Dumating si Arnel at tinulungan niya ang kanyang kapatid. Pilit na inaagaw ni Arnel ang kutsilyo hanggang sa mabitawan na ito ni Jeffrey.
Kinuha ni Alfredo ang baril at habang nagpupunongbuno ang dalawa ay pinalo ni Alfredo ng baril si Jeffrey sa ulo.
Naramdaman ni Alfredo na may kinukuha si Jeffrey sa kanyang ‘side pocket’ at maya-maya umano ay may idiniin ito sa kanya. Nakita niya may balisong ito na pilit binubuksan para maisaksak sa kanya.
Pilit na inagaw ni Alfredo ang patalim at yun naagaw na niya ito ay tinapon niya ang patalim. Pilit na lumalaban si Jeffrey kaya tinungkuran niya ang kamay nito at muli ay pinalo niya ng baril sa ulo.
“Inawat kami ni Bubot. Napag-isipan namin na umuwi na kami sa bahay ko sa Quezon City dahil napag-alaman namin na marami pa lang kaso si Jeffrey na may alias na Roy Ravelo at kasama ito sa iligal na grupo. Napagpasyahan namin na tuluyan munang magtago upang makaiwas sa mga ganti. Ipinagtanggol lang namin ang aming sarili dahil may baril siya at wala ng makaawat sa kanya,” mula kay Alfredo.
Dagdag pa ni Alfredo na nung iniwan nila si Jeffrey sa may car wash ay nakabulagta na ito. Napag-alaman nila na dinala ito sa Quezon City General Hospital at dun na rin binawian ng buhay.
Nagkaroon kami ng pagkakataon na mabasa ang ‘reply affidavit’ ng kapatid ni Jeffrey na si Jennifer Imperial at ayon dito na hindi raw totoong ipinagtanggol nila Arnel at Alfredo ang kanilang sarili dahil maliwanag sa ‘medico legal examination report’ ng PNP Crime Laboratory na napakaraming saksak ang tinamo ng kanyang kapatid. Isang malinaw na ebidensya na hindi pagtatanggol sa kanilang sarili ang nangyari kundi talagang ginawa nila ang lahat ng kanilang magagawa upang patraydor na patayin si Jeffrey sa pamamagitan ng pagtadtad ng saksak ng patalim sa iba’t-ibang bahagi ng kanyang katawan.
Dagdag pa ni Jennifer na walang natuklasan at walang ini-ulat na may ‘powder burn’ sa kamay ni Jeffrey. Ito ay isang malinaw na palatandaan na hindi siya namaril at wala raw baril ang kanyang kapatid at hindi ito mahilig na magdala ng anumang sandatang pumuputok.
Sabi ni Alfredo na iniwan nila si Jeffrey na nakabulagta sa may carwash at nagulat na lang sila nung nalaman nila na marami itong saksak sa katawan.
“Maraming galit sa kanya sa lugar na yun kaya baka nung umalis kami yung mga taong nagawan niya ng atraso ay gumanti sa kanya at yun ang mga tumira sa kanya kaya nagkaroon siya ng maraming saksak,” sabi ni Alfredo.
December 10, 2008 ng lumabas ang ‘resolution’ na pinirmahan ni State Prosecutor Liezel Aquiatan-Moral ng Quezon City Prosecutor’s Office. Mula sa kasong Murder ay na-’downgrade’ ito sa Homicide.
“Ang panalangin lang namin ay matapos na ito. Naaapektuhan na pati trabaho namin at may mga pamilya din kaming kailangan buhayin. Sana ay katotohanan at hustisya ang makamit namin sa labang ito,” pahayag ni Alfredo. (Kinalap ni Jona Fong)
Sa mga gustong dumulog sa aming tanggapan ang aming mga numero, 09213263166 o sa 09198972854 at ang aming landline ay 6387285. Maari din kayo magpunta sa 5th floor CityState Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig City.
Email: tocal13@yahoo.com