Rehas na billboards
SA kabila ng walang patid na debate tungkol sa patuloy na pananatili ng higanteng billboards sa ating mga lansangan, hindi pa rin ito mabawas-bawasan. Mas dumami pa nga ang nai-plaster sa EDSA, sa mga expressway at maging sa mga major roads and thoroughfares sa probinsiya.
Gunitain ang mga argumento kontra billboards na lumutang sa kasagsagan ng bagyong Milenyo, 2006: (1) peligro sa buhay at kalusugan; (2) nakakasira sa tanawin; (3) nakaka-distract sa motorista na nagiging sanhi ng sakuna; (4) karamiha’y hindi kumukuha ng kaukulang permiso sa LGUs.
Humakbang na ang ating mambabatas sa pamamagitan ng pag-file ng mga billboard regulation bills. Pinakatanyag na dito ang Anti-Billboard Blight Act ni Sen. Miriam. Sayang at sa kupad ng takbo ng lehislasyon ay hanggang ngayo’y wala pa ring balita rito. Maski ang mga lokal na pamahalaan ay agarang kumilos: Sa Maynila, agad naipasa ang isang resolusyon noong 2006 na pansamantalang pinapatigil ang pagtayo ng mga bagong billboard sa lungsod hanggat hindi naipapasa ang panukalang Manila billboard ordinance.
Ang Malacañang ay kumilos din, sa pamamagitan ng Administrative Order No. 160-A na nagbabawal sa mga billboard na lumalabag sa batas. Marami-rami ring ibinabang billboard sa last quarter ng 2006. Subalit nang naglaho na ang init ng isyu ay biglang nagsulputan muli ang mga kabute at ngayon na nga’y mas dumami pa.
Ang Palasyo — imbes na humakbang na bawasan ang mga ito ay nagpasa pa ng Executive Order 774 na pinagbabawal ang pag-gamit ng mga ilaw sa billboard mula 9 p.m. hanggang 5 a.m. Ito’y bahagi ng ENERCON program at remedyo din ng pamahalaan sa masamang kontribusyon ng mga SPOTLIGHT sa global warming. Ang implikasyon ay puwede kayong maglipana diyan ng wa-lang limitasyon basta isara lang ang ilaw sa gabi.
Kung uunahin ng Malaca ñang ang interes ng mga outdoor advertisers sa kapakanan ng mismong mamamayan, wala tayong ibang takbuhan kung hindi ang Kongreso at mga Konseho ng mga LGU upang agad isabatas ang dapat ay malinaw na policy ng bansa laban sa walang pakundangang pagdami ng billboards. Ito ay ating wake-up call para sa mga Senador at Kongresista at Konsehal. Hello! Pakipasa na please ang inyong mga Billboard Bills.
- Latest
- Trending