MAY katwiran ang mga pamantasan ng Oxford at Cambridge na naising mabura sa diksiyunaryo ang mga salita ng kahinaan: “hindi ko kaya” at “imposible”. Narito ang isang kumakalat sa e-mail, kumpleto sa retrato:
Isinilang si Jessica Cox, 25, nang walang braso’t kamay. Sa unang retrato, nakatayo siya sa cockpit ng single-engine plane. Sa sleeveless t-shirt kitang-kita ang kapansanan, dahil walang laman ang manggas. Pero abot-tenga ang ngiti ng dalagang taga-Tucson, Arizona. Kakukuha lang niya ng Sport Pilot Certificate, bilang kauna-unahang lisensiyadong piloto na lumilipad na gamit lamang ay kanyang mga paa.
Ikalawang retrato: Bata pa si Jessica at nagsisimulang lumakad. Isa pang retrato ay nakapam-ballet siya, pero walang laman ang manggas ng leotards. Miski mula’t sapol siyang walang braso’t kamay, hindi niya natutunan magsabi ng “hindi ko kaya.” Sinikap niyang magawa lahat ng kaya ng normal na tao. Ang huling nakamit niya na animo’y “imposible” ay ang pagpipiloto ng eroplano sa pamamagitan lamang ng paa.
Ikaapat na retrato ay sumasampa si Jessica sa pakpak ng eroplano patungo sa cockpit. Parang kamay, ipinang-aabot niya ng paa ang handle at ginagamit ito para mahila pataas ang buong katawan. Kasunod na retrato ay nakaupo siya sa cockpit. Sa pamamagitan ng isang paa sa controls at kabilang paa sa manibela, lumipad si Jessica upang maabot ang hinangad na Sport Pilot Certificate. Ayon sa lisensiya, maaari siyang magpalipad ng eroplano sa taas na hanggang 10,000 feet.
“Mahusay siyang piloto, kasing solido ng bato,” ani Parrish Traweek, 42, instructor sa paglipad sa Ray Blair Airport sa San Manuel. Manager si Traweek ng PC Aircraft Maintenance & Flight Services, kung saan marami nang sumubok magpiloto. Maraming hindi umabot sa kalingkingan ni Jessica, aniya. “Nang una siyang dumating dito na nagmamaneho ng kotse, alam ko agad na hindi siya magka-ka-problema magpalipad ng eroplano,” dagdag pa.
Taekwondo black belter din si Jessica, at nagtapos ng Psychology.