KASO ito ni Ed. Nagtatrabaho siya sa UCC, kompanya ng semento, mula 1996. Nag-umpisa siya bilang tagaplano sa motor pool. Sa tagal ng kanyang trabaho, umasenso si Ed at nailipat sa iba’t ibang departamento hanggang maging isang superbisor ng kompanya. Dangan nga lamang at nasabit siya sa isang insidente ng nakawan na naging dahilan ng pagkakatanggal niya sa trabaho.
Nagsampa ng reklamo ng illegal dismissal si Ed laban sa UCC at sa manedyer ng planta. Sa desisyon ng Labor Arbiter, napatunayan na walang kinalaman si Ed sa naka-wan at ipinag-utos nito na ibalik siya sa trabaho. Pinagbabayad din ang kompanya ng danyos na umaabot sa P1,185,835.25. Pinanigan ng NLRC ang desisyong ito bagaman binago ang danyos at ginawang P100,000 at P50,000 lamang. Nang humingi ng rekonsiderasyon ang UCC, binaliktad ng NLRC ang desisyon at ibinasura ang kaso.
Nagsampa ng petisyon sa CA si ED bilang apela. Ibinasura ng CA ang apela dahil sa sumusunod: Kulang ang binayarang docket fee, hindi nakasulat ang roll number ng abogado, hindi nakasulat ang numero at petsa ng IBP ng abogado, hindi nakapagsama ng malinaw na kopya ng isang ebidensiya (Annex E) at hindi base sa personal niyang kaalaman ang tinatawag na verification portion ng apela.
Ang ginawa ni Ed ay humingi ng rekonsiderasyon sa nangyari, nagpadala agad siya ng postal money order ng P1,000 para sa docket fee, ipinadala ang kaukulang impormasyon tungkol sa abogado, nagpadala ng malinaw na kopya ng Annex E at pinapirma sa verification ang kanyang asawa dahil siya noon ay nasa ibang bansa.
Sa kabila ng lahat, hindi pa rin pinagbigyan ng CA ang rekonsiderasyon. Tama ba ito?
MALI. Ginawa ni Ed ang lahat upang itama ang anumang pagkukulang sa isinumiteng apela. Ang mga batas at proseso na ating sinusunod ay kasangkapan lamang upang maayos nating ipatupad ang hustisya. Hindi natin maaaring gamitin ito upang hadlangan ang pagpapataw ng hustisya sa lahat.
Sa umpisa, tama ang CA nang ibasura nito ang kaso. Ngunit nang magsumite si Ed ng mosyon na hinihingi ang rekonsiderasyon ng korte kasama ang kumpletong paliwanag sa nangyari dapat na pinagbigyan na ang hinihingi niyang rekonsiderasyon. Dapat na pag-aralan ng husto ng CA ang kaso ni Ed lalo at salu-salungat ang mga desisyon na ibinigay sa kaso (Hipol vs. NLRC etc. G.R. 181818, December 18, 2008).