ALAM ba ninyo na ang sirang ngipin ay puwedeng magdulot ng sakit sa puso? Oo, tunay po iyan. Dalawang klaseng sakit sa puso ang puwedeng makuha kapag hindi tayo nagsisipilyo:
1. Impeksyon sa balbula ng puso – Ang tawag sa sakit na ito ay Infective Endocarditis, kung saan pinapasok ng bacteria ang balbula sa puso (heart valve). Delikado po iyan. Ganito ang nangyari kay Jeffrey Araza, edad 14, na laging may sira ang ngipin. Dahil dito, nagkaimpeksiyon tuloy ang kanyang puso. Si Jeffrey ay na-confine ng tatlong buwan sa PGH para mabigyan ng malalakas na antibiotics para puksain ang impeksiyon sa kanyang puso. Dahil nasira na ang balbula sa puso ni Jeffrey, nangangailangan siya ngayon ng operasyon para mapalitan ito. Ayon sa mga doktor ng PGH, kailangan ni Jeffrey ng P100,000 para ma-operahan sa charity service ng PGH. Kung hindi siya maooperahan, posibleng ikamatay ito ni Jeffrey. Nagmamakaawa ang pamilya ni Jeffrey na mayroon sanang tumulong sa kanya. Matatawagan siya sa cell phone 0908-390-8812.
2. Bara sa ugat ng puso – Ang tawag dito ay coronary artery disease, kung saan nagbabara ang ugat sa puso. Puwede itong magdulot ng pananakit sa dibdib at heart attack. Ayon sa pagsusuri, ang mga taong may namamagang gilagid (gums) ay puwedeng magkaroon din ng sakit sa puso (heart attack) at stroke. Ito’y dahil ang impeksiyon sa bibig ay puwedeng kumalat sa ating dugo at magdulot ng pagbabago sa ating immune system. Dahil dito, namamaga rin ang ugat sa puso. Matindi talaga ang mga impeksyon sa bibig.
Paano pananatilihing malinis ang bibig?
1. Magsipilyo 3 beses sa isang araw. Ang bawat parte ng ngipin ay dapat i-brush ng 10-15 na beses. Magtagal ng 2 minuto sa iyong pagsisipilyo. Huwag magmadali.
2. Gumamit ng tongue cleaner o panlinis ng dila. Maraming bacteria ang puwedeng manatili sa ating dila na nagdudulot ng bad breath. Matatanggal lang ito sa pamamagitan ng tongue cleaner.
3. Gumamit ng dental floss araw-araw. Ito iyung sinulid na pinapasok sa pagitan ng ngipin. May kamahalan pero ito lang ang tanging paraan para matanggal ang dumi sa pagitan ng ating ngipin.
Ayon kay Dr. Mehmet Oz, ang expert doctor ni Oprah Winfrey, ang hindi pagsisipilyo ay puwedeng makabawas ng 3 taon sa ating buhay. Magsipilyo, mag-tongue cleaner at mag-floss. Iwas sakit sa puso at iwas bad breath. Good luck po!
(E-mail: drwillieong@gmail.com)