Bulag, pipi't bingi sa ZTE overprice
SA tono ng liham niya, ubos na ang pasensiya ni Marcelo Tecson, isang investigative auditor. Aniya kina Ombudsman Merceditas Gutierrez at Commission on Audit chief Reynaldo Villar, nagmimistulang bulag, pipi’t bingi ang mga ahensiya nila sa overpricing sa $330-milyong ZTE deal. Sadyang walang makalap na ebidensiya ng overpricing dahil hindi umano ginagawa ng mga abogado at auditors ng dalawang ahensiya ang unang dapat gawin: Ang pagkumpara ng ZTE prices sa open market rates.
Napabalitang maglalabas na ng ulat ang dalawang ahensiya tungkol sa kontrobersiyal na kontratang national broadband network. Ipinagtataka ni Tecson kung bakit hindi pa sinasagot ng Ombudsman at COA hangga ngayon ang 15 liham niya mula Peb. 2008, kung saan iminungkahi niya ang pagkumpara ng mga presyo ng ZTE at ng ibang telecoms firms.
Naniniwala ako kay Tecson na napaka-simple itong gawin. Kung tutuusin nga, naglahad si Joey de Venecia ng sarili niyang mga presyo para sa NBN ng kanyang kompanyang Amsterdam Holdings Inc. At hamak na malaking kamurahan ang alok niya kumpara sa ZTE. Dagdag naman ni Dante Madriaga na local consultant ng ZTE, $70 milyon ang overprice — o kickback — nang ang unang presyo nila ay $132 milyon pa lang. Naging $200 milyon ang “tong-pats” nang tumaas ang presyo sa $330 milyon, dahil kunwari’y nilakihan ang sakop ng NBN.
Bukod doon, nakuha ko ang papeles ng Alvarion Corp. ng Israel. Ito ang kompanya kung saan isinub-contract ng ZTE ang WiMAX portion ng contract. Malinaw doon na mura lang ang presyong pagpasa ng Alvarion ng equipment, parts at services. Pero pinatungan ito ng ZTE nang mahigit doble at triple, para maikubli ang overprice.
Isinumite lahat ng ebidensiya sa Senate Blue-Ribbon committee. Binigyan ng kumpletong kopya ng komite ang Ombudsman para sa sariling imbestigasyon. Kung kailangan ng COA, makakahingi rin ito.
* * *
Lumiham sa [email protected]
- Latest
- Trending