DATI ay hindi mahagilap ang Ombudsman para makapanayam at harapin o sagutin ang lahat ng batikos sa kanya. Ilang beses namin siyang binigyan ng pagkakataong magsalita sa programa namin sa DZMM Tambalang Failon at Sanchez, pero hindi kami pinagpalaan. Lagi ang kanyang mga deputy o assistant ang makakausap ng media para ipagtanggol ang kanilang magiting na pinuno. Kesyo nagtatrabaho siya, masipag, masinsinang pinag-aaralan ang lahat ng kasong dumadaan sa kanya. Pero magmula nang magpakita siya sa Senado ukol sa ulat ng World Bank sa komiteng pinamunuan ni Sen. Miriam Defensor Santiago, at tila inabsuwelto siya ng maka-administrasyong Senador, nagkaroon na ng lakas ng loob magsalita at magpakita sa media si Merceditas Gutierrez. At ngayon ay pinagbibitiw na rin siya ng Senado dahil sa kanyang pagbubu-lag-bulagan sa ulat at rekomendasyon ng World Bank ukol sa kutsabahan at suhulan ng mga opisyal sa gobyerno, palaban na siyang nagsasalita. At bakit hindi? Masyado nang malakas ang tinig ng mga humihingi ng kanyang pagbibitiw.
Ngayon, kaliwa’t kanan naman ang kanyang mga pahayag at pagtatanggol sa sarili. Ngayong Marso ay maglalabas na raw ang kanyang opisina ng ulat at resulta bunga ng mga masigasig na imbestigasyon. Bakit naman kaya kung kailan pinatatalsik na siya, hindi lang nang maraming mamamayan kundi pati na ng isang sangay ng gobyerno, saka naman lumalabas ang umano’y lahat ng kanyang “nagawa at natapos”? Patunay lang na kung walang nag-iingay sa media, publiko at pati sa lehislatura, ay ni hindi natin makikita ang anino ng Ombudsman. Ano pa kaya ang mga kasong hinahawakan nito!
Mahirap lunukin ang pinagsasabi ni Gutierrez. Hindi raw niya inuupuan ang mga kasong nakasampa na sa kanyang tanggapan, at marami na siyang napanalunang kaso laban sa katiwalian. Maaaring may katotohanan ang pahayag ng Ombudsman — pero puro sa maliliit lang na kaso. Iba na ang usapan ngayon. Malalaking halaga ang sangkot sa mga kasong nakabinbin sa kanyang tanggapan, at may kaibigan pa siyang nadadawit. Diba’t kaya lang naman napasok sa puwesto si Gutierrez ay classmate ng asawa ni President Arroyo? Kung para diyan lang ay hindi na dapat pa siya tinanggap sa sensitibong posisyon ng Ombudsman. Dahil kapag kaibigan na niya ang sangkot, paano niya matatrabaho nang hindi niya kinikilingan ang kanyang kaibigan? Nangyayari na iyan ngayon. Sa fertilizer scam at World Bank report.