Tiba-tiba sa kooperatiba
SA harap ng pandaigdig na financial crisis, magandang tumalakay tayo ng mga paksa tungkol sa pagpapasigla ng ating kabuhayan at job generation.
Isa sa mga proven approach kaugnay nito ay ang konsepto ng kooperatiba. Kapag pinag-usapan ang kooperatiba, laging pumapasok sa isip ko si Makati Congressman Agapito Butz Aquino, kinikilalang haligi ng kooperatibismo sa bansa.
Balita ko’y haping-hapi si Butz sa pagdiriwang ng EDSA I last week. Kasi Naisabatas noong Pebrero 17, ilang araw bago ang selebrasyon — ang Cooperative Code of 2008. Pet project kasi ni Butz ang pagpapaunlad ng kooperatiba. Ito lamang kasi ang tsansa ng mga common-tao na makabuo ng negosyo sa pamamagitan ng pagsasama- sama ng kanilang puhunan. This is the true essence of freedom gaya nang ipinaglaban sa unang EDSA hindi ba? Ang tinatawag na paglaya sa kahirapan.
Sa unang EDSA People Power Revolution, si Butz at ang kanyang mga kasama sa ATOM o August Twenty One Movement ang unang nanawagan sa sambayanan na magtipon sa EDSA at sumuporta kina PC Chief Fidel Ramos at Defense Minister Juan Ponce Enrile para malansag ang diktadurya.
Siya rin ang nagsulong para maging batas ang RA 6938 nang siya ay Senador pa kaya siya nagkaroon ng reputasyong ama ng makabagong kooperatiba. Sa pamamagitan ng batas na ito ay makakaasa tayo sa lubos na suporta ng pamahalaan sa mga maliliit nating kababayan na gustong bumuo ng kooperatiba para makapagsimula ng negosyong magpapaunlad sa kanilang kabuhayan.
Noong 2003, nasa P113 bilyon sa savings deposit ang naipasok ng kooperatiba sa ekonomiya. Aba, huwag ismolin. 10 porsyento ito ng pambansang budget sa naturang taon.
Ngayong kabi-kabi-la ang nababalitaan nating nawawalan ng trabaho sa buong mundo, malaking kontribusyon ang cooperatives sa paglutas ng kawalan ng trabaho. Noong 2006, ito ay nakapagbigay ng 1.636 milyong trabaho at 1.56 milyong noong 2005 at 1.495 milyon naman noong 2004.
With Butz around, sana’y lalo pang umunlad ang larangan ng kooperatiba. Ang utol ni Ninoy ay kasalukuyang chairman ng Cooperative Center of the Philippines. Chairman emeritus din siya ng National Cooperatives Movement na siyang gumigiya sa lahat ng mga kooperativa sa bansa. Ayon sa Cooperative Development Authority, ang bilang ng mga kooperatiba sa bansa ay nasa 75,000 na.
- Latest
- Trending