EDITORYAL - Babala sa mga kurakot na magtatago sa ibang bansa

NOONG nakaraang linggo, nareport sa mga pa­hayagan na nasa United States na raw ang isang Comelec commissioner na sangkot sa pag­manipula ng resulta ng nakaraang election. Isa pang report, mayroon daw mga personalidad na sangkot sa katiwalian na nagbabalak na rin tumakas patu­ngong US.

Sige lang, tumakbo kayo sa mga bansang gusto n’yo. Pero kahit tumakbo, hindi na kayo makapag-ta­tago. Ito ay sapagkat meron nang international agreements na ang sinumang indibidwal na tumakas sa kanyang bansa at magkanlong sa ibang bansa para takasan ang kasalanan ay maaari nang ibalik sa pamamagitan ng extradition. Madali nang maitata-pon pabalik ang sinumang tumakas.

Ganito ang maaaring mangyari sa dalawang anak ng dating comptroller ng Armed Forces of the Philippines na si ret. Maj. Gen. Carlos Garcia. Naaresto ang dalawang anak ni Garcia na sina Juan Paulo at Ian Carl. Si Juan Paulo sa Michigan at si Ian Carl sa Las Vegas noong Miyerkules. Ang kanilang kasalanan: smuggling ng dollar. Unang nasabat ang dalawa at kanilang ina na si Clarita sa San Francisco Airport noong December 2003 na mayroong dalang $100,000. Nang kuwestiyunin ang magkapatid kung bakit hindi dineklara ang dalang dollars, ang kanilang ina ang nagpaliwanag na ang mga perang iyon ay galing sa suweldo ng kanyang asawang comptroller. Inamin nito na madalas na silang nagdadala ng dollar sa US. Iyon ang naging daan para kasuhan ang retiradong general ng corruption at nakakulong sa kasalukuyan. Noong nakaraang linggo, hinatulan na ng perjury ang heneral at maaaring tuluy-tuloy na siya sa kulungan. Marami pang kaso ang kanyang kahaharapin.

Sa pagkakahuli sa dalawang anak ni Garcia, hindi magtatagal at maibabalik na sila sa Pilipinas. Maa­aring magkasama-sama na sila pero sa loob ng bilang­guan. Hindi na sila makapagtatago pa dahil sa bisa ng extradition agreement.

Babala ito sa mga nagnanais tumakas. Kahit pa makalusot kayo sa mga corrupt na personnel ng airport sa bansa at makasakay ng eroplano patu­ngong US at iba pang bansa, hindi rin kayo maka-pag­tatago. Maaabot kayo nang mahabang kamay ng batas. Hindi na ninyo matatakasan ang mga ginawang kasalanan lalo pa ang pagnanakaw sa kaban ng bayan.

Show comments