SA wakas, may nilabas na ang Blue Ribbon Committee na ulat at rekomendasyon ukol sa ginawa nitong imbestigasyon sa tinatawag na fertilizer scam. At ang kanilang pasya, kasuhan ng pandarambong si dating Agriculture undersecretary Jocelyn “jocjoc” Bolante at walo pang mga tauhan na may kaugnayan sa nasabing scam. Tama lang, at inasahan nating lahat iyon. Pero may dagdag na rekomendasyon ang ulat, na sa administrasyong ito ay di pangkaraniwan. Dapat magpaliwanag si President Arroyo ukol din sa scam na ito. Dahil siya ang presidente, dapat alam niya ang lahat ng ginagawa ng kanyang Gabinete. Ito’y matagal nang iginiit ni Sen. Mar Roxas na dati ring miyembro ng Gabinete ni Arroyo. Alam niya kung paano magpatakbo ng Gabinete si Arroyo at siguradong alam niya ang mga pangyayari sa fertilizer scam. At dahil alam niya at walang ginawa, sangkot siya sa anomalya.
Pinagbibitiw na rin ng Senado si Ombudsman Merceditas Gutierrez, dahil wala siyang ginawa kahit may natanggap nang rekomendasyon noong 2006 pa. Simula noon hanggang ngayon, wala pa ring marinig mula sa Ombudsman ukol sa kaso. Inupuan, kinalimutan, nilibing, kayo na ang mag-isip ng tamang salita para sa ginawa ng Ombudsman. Pero palaban pa rin si Merceditas Gutierrez, at sinasabing ginagawa raw niya ang kanyang trabaho. Nasa magandang kasamahan siya. Mga katulad ni Celso de los Angeles, Jimmy Paule, Jocjoc Bolante, Virgilio Garcillano, Lintang Bedol at Mike Arroyo na pawang lahat ay palaban pa kahit akusado na nang husto. Nagbanta naman ang Senado na gagawin nito ang lahat sa kapangyarihan nila para patalsikin na si Gutierrez. Pinabayaan lang niyang makawala ang mga kriminal, ayon sa Senado.
Ano naman kaya ang mangyayari ngayong lumabas na ang rekomendasyon ng Senado? Saan ba isasampa ang kaso? Hindi ba sa Ombudsman o sa Sandiganbayan din? Kaya kailangan ay wala na si Merceditas Gutierrez para mangyari iyon. Sinayang niya ang kanyang pagkakataong magsilbi ng tunay sa bayan. Imbis na maging isang bayani, sinundan lang niya ang yapak ni Romulo Neri na nabansagan nang traydor.
Maganda na ang sinimulan ng Senado. Ipinakita na sila’y isang institusyong hiwalay at hindi naiimpluwensiya ng Palasyo. Mas mapapatunayan pa ito kung gagawin talaga nila ang banta nila sa Ombudsman. Malaking tulong sa pagpapaganda sa imahe ng Senado ang kilos na ito. Pero bago natin tuluyang purihin sila, isa pa lang ito sa dami-dami nang imbestigasyong ginanap sa Senado. Nangunguna na rito ang ZTE/NBN na hanggang ngayon ay wala pang ulat o rekomendasyon. Nandiyan din ang iskandalo sa World Bank, pero hindi pa naman tapos ito. Makikita sa mga darating na araw kung tuloy-tuloy na itong ipinakikita ng Senado.