EDITORYAL - Hindi birong sakripisyo ng mga beterano
MATAGAL na hinintay ng war veteran na si Benito Dumaguit, 84-anyos ang kanyang benepisyo mula sa Amerika. Pero nang mapapasakamay na niya ang benepisyo, ay saka naman siya binawian ng buhay. Ni hindi niya nahawakan ang tsekeng nagkakahalaga ng $9,000 para sa kanyang paghihirap noong ikalawang Digmaang Pandaigdig. Ni hindi niya natikman ang biyaya na noon pa niya inaasam. Animnapu’t tatlong taon na naghintay si Dumaguit at ang tinatayang 18,000 na nabubuhay pang mga beterano ng digma.
Naghihintay na si Dumaguit para sa kanyang nakatak dang interbyu noong Huwebes pero sadyang mailap ang pagkakataon sapagkat isang araw bago maganap ang pinakahihintay na sandali, inatake siya sa puso at namatay. Si Dumaguit ay taga-Gorordo Ave., Cebu City.
Sa pagkamatay ni Dumaguit, ang pangamba ng kanyang mga kaanak ay baka hindi na nila matanggap ang benepisyo na nakalaan para sa namayapang beterano. Ayon sa ipinasusunod ng Philippine Veterans Affair Office (PVAO) ang makatatanggap ng benepisyo ay ang mga nabubuhay na beterano. Paano nga kung katulad ng kaso ni Dumaguit na isang araw na lamang ang hinihintay para sa interbyu ay saka naman biglang pumanaw. Katunayan ay may nakareserba nang numero (priority number 556) si Dumaguit para sa kanyang interbyu na kina-conduct ng mga taga-US Embassy at mga taga-PVAO.
Matagal na hinintay ang benepisyo at nang abot- kamay na lamang ay saka naman pumanaw. Ga-hibla na lamang at maaabot na pero inagaw ng kamatayan.
Marami pang katulad ni Dumaguit na itinaya ang buhay para maipagtanggol ang bansa ang ngayon ay pawang nakaratay na sa karamdaman. Karamihan sa mga beterano ay may edad 80 pataas. Ayon sa report, araw-araw ay may namamatay na beterano. Mayroon sa kanila na halos hindi na makakilala dahil malabo na ang mga mata at hindi na kayang pumirma. Ang ilang beterano ay sa ospital na pinuntahan ng mga staff ng US Embassy at doon kinunan ng retrato para katibayan na buhay pa.
Ngayo’y tila mas matindi pa sa dinanas na hirap noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig ang kanilang natitikman. Pinakamahirap para sa kanila na para bang pinagmamadali na mainterbyu para mapatunayan na buhay pa sila. Wala nang ibang magandang katibayan kundi ang makita silang buhay para maibigay ang benepisyo na matagal nang inaasam.
Hindi lamang ang mga nagdadalamhating pamilya ni Dumaguit ang nangangamba sa kasalukuyan kundi pati na rin ang mga kasalukuyang nakaratay. Para bang nakiki paghabulan sila kay Kamatayan. Ano ba ang magagawa ng gobyerno sa ganitong problema ng mga beterano na para bang pinahihirapang lalo para lamang makuha ang benepisyo na 63 taon na nilang hinintay.
- Latest
- Trending