BINABALAAN ng BITAG ang mga oportunistang nagrereklamo na dumadating sa aming tanggapan. Huwag na huwag ninyong gagamitin ang pangalan ng Mission X at BITAG, makuha lamang ang inyong gusto sa mga taong inirereklamo ninyo.
Hindi panakot ang aming programa. Malalaman namin kung ano ang tunay ninyong intensiyon sa paglapit sa amin. Katulad ng ginawa nitong si Jun Alexter Ferrer, isang dating reporter daw sa radio. Mukhang basang sisiw si kolokoy nang magpunta sa BITAG Action Center. Ang kanyang inirereklamo, naloko raw siya ng isang nagpanggap na NBI agent. Sa halagang P7,000, magkakaroon na raw siya ng lisensiya sa kanyang baril at may bonus pang I.D. at tsapa ng NBI.
Subalit nang ibigay sa kanya ang lisensiya ng baril, peke ito at ang nakapirma pa ay ang dating PNP chief na si Gen. Razon. Inamin niya ang kanyang katangahan at kakuriputan, sa maliit na halaga lamang daw at sa kagustuhan niyang makatipid ay lumapit siya sa bogus na ito.
Subalit nang magsimula ng magtrabaho ang Mission X at BITAG, nang magpadala kami ng mga undercover na kunwari’y kukuha rin ng serbisyo ng pekeng NBI Agent, natuklasan namin ang isang bagay. Bukod sa pekeng lisensiya, modus rin nitong nagpapanggap na NBI na mag-recruit ng mga special agents daw sa Antipolo.
Pagmamalaki pa ng mokong na ang magiging traba-ho nila ay manghuli ng mga ilegal na negosyante at establisimento sa Anti polo pagkatapos ay peperahan lamang.
Tatakutin lang daw nila ang mga ito na aregluhin na lang ang kaso upang hindi na makarating sa main office nila sa Maynila. Ang siste, kaya sila may ID at tsapa ng NBI ay upang kilalanin sila na mga ahente ng nasabing tanggapan.
Ito ang nilalaman ng aming undercover camera na ipinapanood ng BITAG at Mission X kay NBI Director Mantaring. Agad itong bumuo ng isang grupong tutuldok sa maitim na balak ng impostor na NBI.
Matagumpay na naisagawa ang entrapment operation laban sa suspek subalit nagawa nitong sunugin ang lahat ng pekeng dokumento na ipinakita niya noon sa aming undercover. Ang siste, natimbrehan na sila ng hinayupak na reporter na si Jun Alexter Ferrer. Sa sobrang takot ng suspek, nangumpisal ito sa amin kaharap ang mga ahente ng NBI-Anti Terrorism Department.
Pangungumpisal ng kolokoy, sinabihan na daw siya ng hambog na reporter na tinatrabaho na siya ng Mission X at BITAG kaya’t mag-iingat na raw siya sa pakikipagtransaksiyon sa aming undercover. Binalaan daw siya ni Ferrer mata pos niyang ibalik ang P7,000 ibinayad sa kanya noon.
O para sa’yo Jun Alexter Ferrer, magtagu-tago ka na, dokumentado ang pagmumukha mo ng mga CCTV camera sa aming opisina. Huwag lang magkasalubong ang mga landas natin, hindi mo magugustuhan kapag ikaw ang trinabaho ng BITAG.