^

PSN Opinyon

'Sinabit si Laway...?'

- Tony Calvento -

MASAKIT PARA SA ISANG INA na makita ang kanyang anak sa loob ng kulungang gayun ang buong paniniwala niya ay walang sala ang kanyang anak sa krimeng ipinapatong sa kanya.

February 20, 2009 ng pumunta sa aming tanggapan si Ruth Alag upang idulog ang gulo na ‘di umano’y nagsangkot sa kanyang anak na si Neil Alag sa kapahamakan. Si Niel ay binansagang “Laway” dahil nung bata ito ay malakas ang tulo ng kanyang laway hanggang sa nakalakihan na niya ang ganitong tawag.

Pagtitinda ng almusal sa kanilang lugar sa Navotas City ang hanapbuhay ni Ruth. Ang anak niya namang si Neil ay 21 taong gulang, binata at hindi nakatapos ng pag-aaral.

February 19, 2009 bandang ala-una ng madaling-araw habang nagluluto ng panindang pangalmusal si Ruth at ang kinakasama nitong si Marcelo Marcha nang may narinig silang malakas na putok.

Sumilip sila sa bintana upang tingnan ang nangyayari sa paligid. Nakita nilang nasa harap lang ng bahay nila ang mga taong nagpapaputok ng baril.

Nakita umano nila Ruth na may tatlong lalakeng tumapat sa pintuan at bintana ni Boyet ‘Bordado’ Soriano at pinagbababaril ito.

Bukod pa sa tatlong lalakeng ito ay may kasama pa ito na iba pang kalalakihan na nakabantay sa ginagawa ng tatlong bumabaril.

“Yung mga lalakeng sumugod sa bahay ni Bordado ay ang grupong kalaban niya na mga taga Sawatan, Caloocan City. Bagong laya lang si Bordado nung April 2008 dahil sa kasong Murder. Nung tumira siya sa lugar namin ay nagsiga-sigaan na siya dun at nagtayo pa siya ng sarili niyang grupo,” sabi ni Ruth.

Nung nagtakbuhan na ang mga lalakeng namaril at mga kasama nito ay agad na lumabas si Bordado at nagsisisigaw umano ng ‘Kilala ko kung sinong bumaril sa amin. May kasama na taga dito. Si Laway, kasama si Laway sa namaril sa amin’.

Nung narinig ni Ruth ang isinigaw ni Bordado ay lumabas siya ng kanilang bahay at sinabi niya dito na ‘Magdahan-dahan ka sa pananalita mo dahil ang anak ko ay nasa loob lang ng bahay at kanina pa natutulog’.

Marami ng tao sa paligid at habang nagtatakbuhan ang mga sumugod ay may pumutok ulit na baril at natumba ang isa sa mga sumugod.

Nung pagbagsak nito ay nakita umano nila Ruth si Anderson Bermuda na may hawak na baril at nakatutok dun sa natumba.

Mabilis na tumakbo umano si Anderson sa bahay ng tiyo niya na si Dindo Bermuda at paglabas niya ay wala na siyang hawak na baril at nagmamaang-maangan na siya ang bumaril.

Biglang sumigaw ang tatay ni Anderson na si Andie Bermudo na may patay sa tapat ng bahay nila para umano mapagtakpan na ang anak niya ang bumaril dun.

Agad na nagdatingan ang mga pulis at ang ‘media’ habang patuloy pa ring sumisigaw si Burdado na kasabwat si Laway sa insidenteng barilan.

Kina-usap ng mga pulis si Ruth at sinabing ilabas ang anak nito para sa isang imbestigasyon. Sinabi ni Ruth na wala naman kasalanan si Laway dahil natutulog ito.

Pagpasok ni Ruth sa kanilang bahay ay nakita niyang gising na si Laway. Sinabi ni Laway na nagising siya dahil narinig niyang may sumisigaw sa pangalan niya.

Sinabi ni Ruth na pinapalabas siya ng mga pulis dahil pinag­bibintangan siya na kasama ng mga namaril sa bahay ni Bordado.

Nagulat si Laway at sinabing, ‘Sige lalabas ako dahil wala naman akong ginawang kasalanan at kanina pa ako natutulog’ sinagot naman siya ni Ruth ng, ‘Paglumabas ka huhulihin ka nga mga pulis at hindi ka na makaka-uwi’.

Naglakas loob lumabas si Laway at hinarap ang mga pulis. Paglabas niya ay bigla umano itong pinosasan ng mga pulis kaya nagtanong si Ruth kung bakit kailangan posasan kung iimbestigahan lang naman pero sinabi ng pulis na kailangan talaga ito posasan.

“Takot na takot ako sa mga pangyayari. Ayaw ko sana ibigay ang anak ko sa mga pulis pero kailangan sa imbestigasyon at para na rin mapawalang sala na siya sa ibinibintang sa kanya. Alam naman nila ang katotohanan kaya hindi ko maintindihan kung bakit kailangan idamay si Laway sa gulo nila,” mula kay Ruth.

Yung pasakay na sila sa ‘police mobile’ ay idinaan muna si Laway dun sa bangkay at tinanong siya ng mga pulis kung kilala niya ito ngunit sinabi ni Laway hindi niya kilala ang taong yun pero pilit itong ipinakikilala at pinatatandaan ang mukha sa kanya.

Dinala si Laway sa presinto ng Navotas City.

Hindi iniwan ni Ruth ang anak at hanggang sa presinto ay sumunod siya. Pagdating nila dun ay pina-upo lang sila at pinaghintay.

Bandang alas kwatro nang madaling araw ng ipinasok sa kulungan si Laway.

Tinanong ni Ruth kung bakit matagal na silang naghihintay dun pero wala pa ring nangyayari. Ang sagot umano ng pulis ay ang kaso raw kasi ni Laway ay Murder at walang gustong tumestigo para dito.

“Nagulat ako sa sinabi ng pulis dahil nung nasa bahay pa kami ay ang sabi nila na kakausapin lang si Laway para sa imbestigasyon pero iba na ang ihip ng hangin at ngayon ay suspect na ang anak ko at napakabigat pa ng kasong ibinibintang sa kanya,” ayon kay Ruth.

Sinabi ni Ruth na ang kapatid niyang si Buboy Doligon na katabi ni Laway sa pagtulog ang tetestigo para sa kanyang anak.

Tinanong ni Ruth sa pulis kung magkano ang bail ni Laway ngunit ang sagot umano nito sa kanya ay hindi pa nila malalaman dahil wala pa silang witness. 

Ayon kay Ruth na parating pinagritripan ang kanyang anak sa kanilang lugar dahil hindi normal ang pag-iisip nito. Parati na lang siya binabatukan, sinusuntok at hinahampas ng kung ano-anu kaya naman kahit papano ay natuto na itong lumaban.

Parati niyang ipinagtatanggol si Laway sa lahat ng umaapi dito at kung minsan ay pinaglalaruan din ito sa kanilang lugar dahil may pagkauto-uto si Laway at kung anong iutos sa kanya ng mga tao dun ay sinusunod niya kahit mali.

Walang kaibigan si Laway sa kanilang lugar pero sa Sawatan Caloocan City ay nakahanap siya ng mga taong hindi siya sinasaktan, inuuto at dito ay itinuturing siyang tao at kaibigan.

“Kaya siguro pinagbibintangan siya ni Bordado dahil may mga kaibigan siya na mga taga Sawatan. Totoo namang may mga kaibigan siya na taga dun pero ang mga taong sumugod at namaril sa bahay ni Bordado ay hindi niya kilala at hindi niya mga kaibigan. Alam ng mga tao na walang kasalanan ang anak ko kaya naman gagawin ko ang lahat para lang mapawalang sala na siya at makalaya na siya ng kulungan,” pahayag ni Ruth.

Binigyan namin siya ng referral kay Chief Percida Acosta ng Public Attorney’s Office upang maasistehan at maibigay ang karapatan ni Ruth na magkaroon ng abogadong magtatanggol sa kanyanga anak.

(KINALAP NI JONA FONG)

Sa mga gustong dumulog sa aming tanggapan ang aming mga numero, 09213263166 o sa 09198972854 at ang aming landline ay 6387285. Maari din kayo magpunta sa 5th floor CityState Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig City.

* * *

Email address: [email protected]

ANAK

BORDADO

DAHIL

LAWAY

NIYA

NUNG

PULIS

RUTH

SIYA

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with