Ang P1.4 bilyon NIA project
INIREREKLAMO ng ilang bidders ang National Irrigation Administration (NIA). Napakahigpit daw na policy sa bidding. Ang mga kontraktor daw na gustong sumali ay dapat mayroon nang 25-taong karanasan sa kanilang negosyo. Tingin ko’y walang anomalous dito.
Siyempre, gustong makasiguro ng NIA na ang mga mabibiling heavy equipment ay mamamantini nang maayos dahil ang kompanyang nag-supply ay matatag at mapapanaligan. Eh kung tumiklop bigla ang kompanya, sino ang mananagot kapag depektibo ang kagamitang nabili?
Nahaharap uli sa pagbatikos ang ilang agriculture officials dahil sa isyung ito. Tinutuligsa rin dahil nagbibigay daw ng prayoridad sa importasyon ng bigas kaysa sa pagpapalaki ng lokal na ani, pero, pinag-aawayan ang mga proyektong nauukol sa irigasyon na naglalayong maging self-sufficient ang bansa sa butil.
Heto na naman ang isang tinatawag na P1.4 bilyon “bidding scandal” daw ng National Irrigation Administration (NIA). Tungkol ito sa pagbili ng mga hydraulic excavator at iba pang mga kagamitang kinakailangan sa pagsasaayos ng mga irigasyon at drainage canal. Mayroon daw scam sa proyektong ito na tinatawag na panibagong “fertilizer scam”. Sa unang tingin, tila magandang tuligsain. Pero in fairness at bago tayo lumundag sa konklusyon, on-going pa pala ang proseso ng bidding at hindi pa naman natatapos. Wala pang kontratang nai-aaward batay sa nala-man natin sa NIA.
Hiningan natin ng reaksyon ang NIA. Sabi ng statement ng ahensya, ni hindi pa nakukumpleto ng Bids and Awards Committee (BAC) ng NIA ang evaluation stage. Ibig sabihin hindi pa masimulan ang post-qualification stage na daraanan bago ang awarding ng kontrata. Anang NIA, naglunsad ng disinformation campaign laban sa P1.4 bilyon proyekto nito ang isa sa mga disqualified bidder.
Pitong kompanya ang lumahok sa bidding: Ang Maxima Machineries Inc., Civic Merchandising Inc., Transport Equipment Corp. (TEC), Wilan Merchandising Phils., Transtar Corp., International Heavy Equipment Corp. (IHEC), at ang TKC Heavy Industries Corp.
Ang Civic, Maxima, TEC at IHEC ay nagsumite ng mga bid noong Enero 19. Ang Wilan at Transtar ay umatras at ang TKC naman ay hindi nagsumite ng bid o kahit letter of withdrawal. Naaprubahan ng BAC ng NIA ang eligibility requirements ng Civic at TEC. Pero hindi ang sa Maxima at IHEC dahil hindi nagsumite ng mga requirements. Ang Maxima umano ay nagsumite ng expired business permit samantalang ang IHEC naman ay nagsumite ng expired na tax clearance.
Naghain ng motion for reconsideration ang Maxima at IHEC ngunit nagdesisyon ang BAC na ibasura ang mga ito sa loob ng pitong araw, alinsunod sa Implementing Rules and Regulation ng RA 9184. Ibinalik ng BAC ang mga bid ng Maxima at IHEC nang hindi nabubuksan. Pero sa halip na maghain ng protesta sa loob ng pitong araw, naghain ang Maxima ng kaso sa Quezon City Regional Trial Court laban sa NIA, sa BAC nito, sa TEC at sa Civic. Sabi ng Maxima, sobrang higpit daw ang BAC sa mga rekisitos nito sa mga bidders. Eh bakit hindi maghihigpit gayung milyun-milyon at hindi birong halaga ang nakataya sa mga proyektong iyan na kapag pumalpak ay gobyerno rin ang masisisi.
- Latest
- Trending