NaOONG nakaraang taon, nagbabala ang gobyerno na bubuklatin ang mga libro ng oil companies, particular na ang Shell, Caltex at Petron dahil mabagal bumaba ang presyo ng kanilang oil products kahit na mababa ang crude oil sa world market. Habang ang ibang small players ay bumaba na ang presyo, nananatiling nakapako sa mataas na presyo ang gasolina, diesel at maging ang liquefied petroleum gas (LPG). Matindi ang babala ng gobyerno sa mga oil companies.
Pero ang babala at banta ng gobyerno ay walang silbi sapagkat patuloy din ang mga kompanya ng langis sa ginagawa nilang tila panloloko sa consumers. Marahil, kayang-kaya nilang paikutin ang gobyerno. Puro nga naman banta at walang gawa. Ano bang aksiyon ang ginagawa ng Department of Energy (DoE) para maimbestigahan ang mga “nanlolokong” oil companies? Wala. Maski nga ang kakapusan ng LPG ay walang aksiyon si Energy secretary Angelo Reyes at nakikianod na lang. Bahala na si Batman!
Inutil ang gobyernong ito kung ang pag-uusapan ay ang tungkol sa walang tigil na pagtataas ng presyo ng gasolina at iba pang oil products. Saan naman nakakita na kung kailan bumaba ang presyo ng crude oil ay saka naman nagtataas ng presyo ang oil companies. Nakapagtataka ang ganitong nangyayari at walang mahanap na kasagutan ang consumers. Maski ang Consumer and Oil Price Watch group ay labis ang pagtataka sa nangyayaring pagtataas ng presyo ng gasolina gayung mababa na ang bawat bariles ng krudo — $37 na lang!
Kamakalawa ay nagbanta naman ang Department of Justice na iimbestigahan ang oil companies. Pinakilos na ni Justice secretary Raul Gonzalez ang task force on oil deregulation para alamin kung bakit patuloy na tumataas ang presyo ng gasolina ang mga kompanya ng langis.
Mula pa January ay anim na beses nang nagtaas ng presyo ng gasolina ang oil companies. Noong nakaraang Sabado, nagtaas na naman ng 50 sentimos ang oil companies. Ayon sa oil companies, nagtaas sila dahil sa high production costs.
Pawang banta kasi ang gobyernong ito. Inutil sa pagpapatupad ng batas. Kahit na lantaran na ang panloloko ng oil companies at pinaiikot ang consumers, ay hindi man lang kumikilos. Kawawa talaga ang nakararami — lalo ang naghihikahos.