MAY MGA NAGLALABASANG balita tungkol sa reklamo sa akin ng isang babae. Hindi ko ugali na gamitin ang kolum na ito para atakihin o idepensa ang aking sarili dahil ito ay naisampa na sa prosecutor’s office ng Pasig City.
Duon ko dapat ibigay ang aking sagot at pagkatapos kong manumpa ilalahad ko sa inyo ang buong kwento. Maraming salamat sa inyong pang-uunawa at mga mensahe ng suporta. (Ang kalayaan ang siyang magpapalaya sa atin).
Bawat tao’y may panaginip at inaasam asam sa buhay na makamtan upang maiangat ang kanyang kalagayan pati na rin ang kanyang pamilya. Ang pangarap ng isang babae sa hindi inaasahang pagkakataon ay nadurog at nahulog sa lupa.
Isang insidente ang naglagay sa kanya sa ‘wheel chair’ na pang habang buhay.
Pebrero 11, 2009 nang magpunta sa aming tanggapan ang isang babae upang humingi ng tulong para sa kanyang kapatid. Siya si Blandina “Dina” Escobido, 47 taong gulang at nakatira sa Dasmariñas, Cavite.
Inirereklamo niya ang naging malubhang kalagayan ng kanyang kapatid na si Luceña Abegan, 40 taong gulang. Si Luceña ay naging biktima ng ‘vehicular accident’ sa pagitan ng isang pampasaherong jeep at trak.
Si Luceña ay dating OFW sa Taiwan at nagpasya siyang bumalik dito sa bansa para mag-apply sana ng bagong trabaho sa Canada bilang ‘caregiver’.
Mayo 30, 2004 nanggaling si Luceña sa Department of Foreign Affairs sa Imus, Cavite para asikasuhin ang pagre-renew ng kanyang passport.
Bandang alas-11 ng umaga sumakay siya ng jeep biyaheng Area C-Kadiwa, Dasmariñas, Cavite. Umupo si Luceña sa likuran ng driver habang ang isang pasahero ay nakapwesto malapit sa pintuan ng dyip at dalawa naman ang nasa harapan.
Matapos magsakay umandar na ang dyip papuntang Patindig Araw Road, Marcos Highway. Ikinagulat na lang ni Luceña ng may naramdaman siyang isang malakas na paghampas mula sa likuran ng dyip.
“Tumilapon raw siya mula sa kanyang pwesto papunta sa ilalim ng upuan ng drayber. Ang huli niya raw naramdaman ay ang pagsakit ng kanyang likuran dahil sa pagkakatama ng kanyang ‘spinal column’,” ayon kay Dina.
Isang 10-wheeler Isuzu Cargo truck ang bumangga sa dyip na sinasakyan ni Luceña. Malaking pinsala ang nangyari sa kanyang katawan habang ang drayber ng dyip na si Arturo Antiporda at tatlo pang pasahero ay nakaligtas at nagkamit lamang ng mga pasa at galos sa katawan.
Ang insidenteng ito ay naging dahilan rin ng pagkaroon ng ‘domino effect’ sa walo pang sasakyan na nakatigil sa harapan ng dyip. Meron rin isang lalaking tumatawid ang nabangga ng dyip na naging sanhi ng kanyang pagkamatay.
Makalipas ang ilang minuto dumating ang Rescue 161 ng Dasmariñas, Cavite. Sinubukan nilang kunin si Luceña sa ilalim ng upuan pero hindi ito naging madali para sa kanila. Kinailangan pa gamitan ng ‘Acetylene’ para maputol ang mga bakal na nakaharang sa kinalalagyan nito.
Nung nakuha na nila si Luceña mula sa pagkakaipit nito agad nilang dinala ang biktima sa Imus Medical Center o IMC.
“Nalaman ko ang nangyari mula sa kapatid naming si Joel Abegan. Sabi nito malubha raw ang lagay ni Luceña dahil lumabas raw ang mga laman niya sa balakang at nabali raw ang spinal bone nito. Kaya naman agad ko siyang pinuntahan,” sabi ni Dina.
Alas-sais ng gabi dumating si Dina sa ospital. Kasalukuyan nun inooperahan si Luceña sa tinamo nitong pinsala sa balakang. Makalipas ang halos labing limang minuto lumabas na ito mula sa ‘operating room’.
Ayon kay Dina nung nakita niya raw si Luceña maraming mga aparato ang nakakakabit sa katawan nito. Mayroon pa raw itong malay at naigagalaw pa nito ang kanyang mga kamay. Napansin rin niya na kahit hinang hina raw ang kanyang kapatid ay nakikita niya ang kagustuhan nitong mabuhay.
Kailangan raw ilipat si Luceña sa Our Lady of the Pillar Medical Center o OLPDC sa Imus, Cavite para sa ikalawang operasyon. Kasama niya ang dalawa pa nilang kapatid na sina Pilar Francisco at at Fe Smith. Hindi muna sumama si Dina dahil inaasikaso niya ang mga babayaran sa IMC na umabot ng 35,000 pesos.
Humingi sila ng tulong sa operator ng trak na si Juanito Obdianela para sa pagpapagamot kay Luceña. Hindi naman niya ito binalewala at hindi siya nagkukulang sa pagbibigay ng suportang pinansyal sa pamilya nito.
Dinala si Luceña sa Emergency Room ng Pillar at dun naging kritikal ang kanyang kalagayan. Nalagutan raw ito ng hininga sa loob ng sampung minuto pero ginawa ng mga doktor ang lahat ng paraan upang mabuhay siya muli.
Siyam na araw nanatili si Luceña sa ICU bago maging normal ang kanyang kalagayan. Paglabas niya ng ICU patuloy pa rin ang paggamot sa kanya.
“Maraming mga kumplikasyon ang nangyari sa kanya. Dalawang beses siya nag kumbulsyon at kinailangang butasan yung baga niya para makahinga dahil napuno ito ng tubig. Akala talaga namin hindi niya kakayanin dahil sa hirap ng kalagayan niya,” kwento ni Dina.
Halos tatlong buwan nanatili si Luceña sa Pillar at inabot ng mahigit 450,000 pesos ang nagastos nila dito. Kailangan namang siya dalhin sa Philippine General Hospital para sa ikatlong operasyon nito. Pinalitan ang dalawang nabasag na spinal bone ni Luceña at ito naman ay umabot ng 500,000 pesos.
Ang lahat ng ito ay sinagot ni Mr. Obdianela ngunit ang kapalit nito ay kailangan nilang pumirma sa isang kasunduan.
July 7, 2004 pinapirma si Dina ng kasunduan na hindi sila magdedemanda laban sa kanya at sa driver ng trak na si Edmundo Lamuyao.
“Nabaon kami sa utang dahil halos 800,000 pesos ang nagastos namin. Buti na lang sinagot ng Isuzu ang kalahati nito kaya wala kaming mairereklamo sa kanila. Ang hinahabol na lang namin ay yung driver at operator ng dyip. Responsibilidad nilang ihatid ng maayos ang mga sakay nila sa kanilang pupuntahan,” pahayag ni Dina.
June 2005 naghain ng kasong “Breach of Contract” ng “Due Diligence Act” si Luceña laban sa operator ng dyip na si Benito Agustin sa Regional Trial Court ng Imus, Cavite.
February 9, 2009 lumabas ang desisyon ng korte at nadismiss ang kaso. Ito ang dahilan kung bakit lumapit si Dina sa aming tanggapan.
“Hindi man lang nila sinilip ang kapatid ko nung panahon na naghihirap siya sa ospital. Baldado na ngayon si Luceña at marami ng mga oportunidad na nawala sa kanya. Gusto namin pagbayaran nila ang kapabayaan na ginawa nila. Sana matulungan n’yo kami na makamit ang hustisya,” panawagan ni Dina.
Pinayuhan namin si Dina na pumunta sa RTC ng Imus para kaagad na mag-apila sa naging desisyon.
Tinitingnan din ng mga abogado ng Public Attorney’s Office dahil nung panahon na pumirma sila ng kasunduan nagipit sila dahil kailangan maoperahan si Luceña at hindi nila akalain na hindi na muli itong makakalakad at magkapagtatrabaho. (KINALAP NI GAIL DE GUZMAN)
Sa mga gustong dumulog sa aming tanggapan ang aming mga numero, 09213263166 o sa 09198972854 at ang aming landline ay 6387285. Maari din kayo magpunta sa 5th floor CityState Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig City.
Email address: mailto:tocal13@yahoo.com