KAHAPON ay ipinakita namin sa BITAG Live ang isang eksenang naidokumento ng mga Mission x at BITAG undercover, isang simpleng kotongan sa lansangan.
Simple pero matindi. Matindi ang pangyayari dahil hindi namin inaasahan na aangkas pa ito sa motor at sumama ito sa bahay ng motoristang kaniyang huli upang dito kunin ang isang daang pisong lagay.
Umani kami ng iba’t-ibang reaksiyon mula sa telepono at text lines. May nagalit, may naawa, may bumatikos at may umayon sa aming ginawa.
Ayon rin sa tanggapan ng Mission X, ang aking kapatid na si Erwin, lumapit ang pamilya ng nasabing naaktuhang traffic enforcer.
Palagpasin na raw ang ginawa ng kanilang “padre de pamilya” tutal naman daw ay isandaang piso lamang ang nakotong nito.
Ang iba pa nga daw diyan, mga buwaya at malalaki ang nanakaw.
Nakakaawa kung pakikinggan subalit wala kaming personal na intensiyon na manira ng pagkatao o anupaman. Maliit man o malaki basta’t mali at tiwali hindi kami mangingiming patibungan.
Ang layunin ng BITAG at Mission X, ipakita ang mga katiwaliang tunay na nangyayari sa ating lipunan. Tuldukan ito, magbigay ng babala at nang huwag nang matularan.
Sa mga bumabatikos, kung may nalalaman kayo o kilalang “malalaking magnanakaw” e ireport niyo sa amin at hindi rin kami mangingiming gawin ang ginawa namin sa nasabing enforcer.
Hindi kami makakakilos kung wala ang inyong mga impormasyon. Isang tawag lang sa aming mga hotline, 9325310, 9328919 at 09299792325.
Sa mga sumusupor-ta sa aming krusada, patuloy na makikipagtulungan ang BITAG at Mission X.
Babala na rin ng BITAG sa mga tiwali ng lansangan, nakakalat lamang kami at patuloy na rumurolya ang aming surveillance camera para bitagin kayo!