KAPAG pinagsabihan ka ng isang taong-grasa na “Hoy ambaho mo, maligo ka” matatawa ka na lang siguro at iisiping may “topak” ang taong ito kundi ka man mabubuwisit.
May direktiba si Presidente Arroyo sa mga ahensya ng pamahalaan: Magpatupad ng bagong moral renewal program. Maganda sana. Kaso talagang negatibo na ang impresyong nilikha ng Pangulo sa mata ng marami. Kaya ang sagot ni Bangon Pilipinas leader Bro. Eddie Villanueva, “Gawin muna niya ang kanyang sinasabi.”
Sabi niya, isa raw itong “presidential joke na hindi katawa tawa”. Alam kong hangad ng nakararaming Pilipino na magkaroon tayo ng maka-diyos at matuwid na pamahalaan. Iyan din ang gusto kong mangyari. Ngunit ilang buwan na lang ang nalalabi sa administrasyong ito ay inuulan pa ng mga kaso ng katiwalian.
After the 2010 elections, may gagawing positibong repor-ma ang Panginoong Diyos sa bansa pero kailangan ang lubos at ganap na pagsuporta ng mamamayan.
Hindi ko sinasabing totoong lahat ang mga paratang ng katiwalian sa Pangulo, pero hindi masisisi ang mga taong may pagdududa sa bawat gawin niya. Kasi, dapat munang makita sa kanya na ginagawa niya ang kanyang ipinangangaral.
Kung determinado si GMA na puksain ang korapsyon, dapat simulan ito sa mga kasong ibinabato sa kanyang asawa na hangga ngayo’y hindi pa natutuldukan: “Jose Pidal,” ZTE scam at ngayo’y ang bid-rigging sa mga proyektong tinutustusan ng World Bank. Pulos pagpapabulaan lang sa mga akusasyon ang naririnig nating tugon kahit may mga ebidensya tulad ng mga hindi maikakailang litrato.
Tama ang mungkahi ni Bro. Eddie. Pabayaang humarap sa maayos na imbestigasyon si First Gent at linisin ang kan yang pangalan kung talagang inosente. Kaso laging nagkakasakit ang Unang Ginoo kapag gustong ipatawag ng Senado.
Labis nang kahihiyan ang naranasan ng ating bansa sa mata ng pandaigdig na komunidad. Lalo pang tumindi ito kasunod ng pagkakadawit ni FG Mike Arroyo sa million-dollar na bid rigging na World Bank pa mismo ang nag-expose!
“Moral integrity that stems from genuine fear of God and love of country and countrymen is innate, if not needing a worthy example to follow; it simply cannot be administratively ordered,” ani Bro. Eddie.