Chief Supt. Nilo de la Cruz, hambalusin mo si SPO3 Ed Paller
DAPAT paimbestigahan ni Region 3 police director Chief Supt. Nilo de la Cruz ang sumbong na mismong mga bataan niya ang nasa likod ng laganap na pasugalan at peryahan sa ngayon sa Central Luzon. Hindi naman kasi maganda mga suki na kauupo lang ni De la Cruz sa puwesto niya subalit kaliwa’t kanan na ang batikos sa liderato niya at ang masama niyan sa pasugalan pa. He-he-he!
Ang kumakalat na balita dito sa Manila Police District (MPD), si De la Cruz ay hindi naman magtatagal sa Central Luzon dahil napipinto na siyang ma-promote. Ang naulinigan ko ay kung hindi sa NCRPO, sa CIDG ang bagsak ni De la Cruz matapos ang termino niya sa Central Luzon. At hindi maganda na masisira lang ang pangalan ni De la Cruz sa kaunting kita sa pasugalan, di ba mga suki?
Sa Bulacan sa ngayon, aktibo ang bookies ng jueteng at ang kausap ng mga bangkero ay si SPO3 Ed Paller na saradong bata kuno ni De la Cruz. Si Paller ay naka-assign sa RSOG sa Camp Olivas. Ang mga financiers ng bookies ng jueteng sa Bulacan ay sina Andy Ramod Tiqui sa Sta. Maria; Abet Viceo at Caloy Garcia sa Baliuag; Bgy. Capt. Edsion Veneracion sa San Rafael; Bgy. Capt. Meming Rivera at Solomon Valmadrid sa San Ildefonso; Rolando Baby Perez sa Pulilan at Joe Lazaro sa Hagonoy.
Ang nagsisilbing collector o bagman ng PRO 3 ay si alyas Uding ng Meycauayan. At ang nalilikom na intelihensiya ay idinideposito sa Metrobank sa pangalan ng isang Victor Diaz, hehehe! Sa tingin ko hindi mahihirapan si De la Cruz sa imbestigasyon niya para matukoy ang mga sumisira ng pangalan niya, di ba mga suki?
Si SPO3 Paller din pala ang sumalakay ng mga peryahan at video karera sa Pampanga sa pag-upo mismo ni De la Cruz. Kung hindi raw kayang ibigay ng mga operator ang sobrang-taas na intelihensiya nila, aba itong mga bataan mismo ng RSOG ang naglalatag ng pasugalan doon. At ang front nila o financier ay si alyas Atty. Lilian Manalansan na palaging makikita sa opisina ng RSOG.
Ang unang nilatagan ng perya at video karera ay ang mga bayan ng Samsuan, Floridablanca at Mabalacat. Tiyak susunod na rin ang ibang bayan pa ng Pampanga, ang home province ni Pres. Arroyo, di ba mga suki?
Kung nangyayari ito sa Bulacan at Pampanga, tiyak gan’un din ang kalakaran sa ngayon sa iba pang probinsiya ng Central Luzon, di ba mga suki? Ang hinagpis ng mga pulis sa Central Luzon, ang lahat ng pagkakitaan sa kanila sa ngayon ay “centralized’ na ng mga bataan ni De la Cruz. At siyempre, ang namamayani ay ang tropa ni SPO3 Paller na dating mga pulis-Maynila.
Kilala ko si De la Cruz at hindi ako naniniwala na palalampasin niya itong mga report ukol sa mga bataan niya, lalo na si SPO3 Paller. Linisin ni De la Cruz ang paligid niya para masiguro niya ang kanyang promotion sa CIDG o NCRPO. Kapag hindi siya umaksiyon dito, baka mabulilyaso pa ang kanyang promotion, di ba mga suki? Abangan!
- Latest
- Trending