Benepisyo, di lump sum ang kailangan ng Pinoy veterans
IBIBIGAY na ng America sa Pinoy war veterans ang ipinaglalaban nilang benepisyo. Ipinasa noong nakaraang linggo ng US Congress ang stimulus bill. Maraming Pinoy veterans ang namatay na sa kahihintay sa ipinangakong benepisyo ng Amerika.
Ayon sa bill, bawat Pinoy veterans na narito sa Amerika ay tatanggap ng lump sum na $15,000. Ang mga nasa Pilipinas naman ay tatanggap ng $9,000. Ang mga namatay na ay hindi makakukuha. Sa record, mas marami na ang mga namatay na beterano.
Masama ang loob ng mga beterano at kanilang kaanak dahil sa pagkakaiba ng matatanggap. Hindi lump sum ang kanilang inaasahan kundi benepisyo na kanilang tatanggapin habang sila ay nabubuhay katulad nang nakukuha ng mga beteranong Amerikano.
Ang mga kamag-anak ng mga pumanaw na beterano ay galit sapagkat hindi isinama na makakakuha ng benepisyo ang kanilang mga mahal sa buhay. Namatay na raw kasi ang mga ito. Dapat daw kasama pa rin ang mga ito sapagkat nakipag-rally din sila noong nabubuhay pa upang marinig ang kanilang kahilingan.
Nakikiisa ako sa hinaing ng mga beteranong Pinoy at kanilang mga kamag-anak. Maliit na bagay ang hinihingi ng mga beterano kung ikukumpara sa ginawang pagtulong ng mga ito sa Amerika noong giyera. Ibinuwis nila ang buhay sa pagtatanggol sa kanilang bansa. Hindi nila dapat ipagkait ang para sa mga beteranong Pinoy.
- Latest
- Trending