'Grinipuhan, tinarakan sa leeg...'
February 6, 2009 ng pumunta sa aming tanggapan si Felicitas Jamisola, 51 taong gulang at isang ‘metro aid’ sa Manila upang idulog ang pagkamatay ng kanyang anak na si Rafael Jamisola, 26 taong gulang, at hiwalay sa asawa. Isa siyang construction worker.
June 28, 2008 ng bandang ala singko ng hapon ng umuwi si Rafael galing sa kanyang trabaho.
Bandang ala sais ng hapon ng nakipag-inuman ito sa kanyang mga kabarkada sa gilid ng kanilang bahay sa Bago Bantay, Quezon City.
Matapos nilang magka-inuman ay nagkayayaan silang maglaro ng ‘COUNTER STRIKE’ sa isang computer shop sa kanilang barangay.
Habang naglalakad papunta sa computer shop sila Rafael kasama ang kanyang kaibigan na sila Alexander Valdez at Modesto Tilledo ay may nadaanan sila isang grupo na nag-iinuman.
Nang nakalampas na sila at huminto sa tindahan para uminom ng soft drinks nagulat na lamang sila ng di umano’y na magsuguran ang mga taong nadaanan nila na nag-iinuman. Pinagtulungan na bugbugin sila.
Nakatakbo sila Alex at Modesto at naiwanan si Rafael. Hindi nagtagal ay nagawang makatakbo ni Rafael na meron ng saksak sa kanyang tagiliran ngunit hinabol pa rin siya umano. Nakorner siya sa Ilocos Sur st., Bago Bantay, Quezon City.
Ayon kay Felicitas ay merong mga yumakap dito para hindi ito makagalaw, may pumalo ng bangkong kahoy at pinagsasaksak si Rafael.
“Marami ng tao ang nakapaligid sa lugar kung saan nakabulagta si Rafael. Hindi kami agad nakalapit kay Rafael dahil hinaranggan na ng mga SOCO yung lugar pero kitang-kita ko na nakahalandusay na ang anak ko at naliligo sa sarili niyang dugo,” kwento ni Felicitas.
Inilarawan ni Felicitas ang mga tinamong saksak ang kanyang anak sa kanyang katawan at ang pinakagrabe ay ang sa kanyang tagiliran at sa leeg. Kinabukasan na nalaman ng pamilya nila Felicitas kung sino ang mga may kagagawan sa pagkamatay ni Rafael at yun umano ay ang magkakapatid na Obligar na sina Reggie Obligar, Romeo Obligar at Boy Obligar. Kasama din umano nila ang mga barkada nilang sina Micheal Tanap, Jason Basierto at Jorel Ong.
Ayon kay Felicitas na brutal ang naging pagpatay sa kanyang anak dahil ang pinangsaksak sa kanya ay isang malaking kutsilyong na panghiwa ng baboy.
Maraming nakasaksi sa mga pangyayari at ayon sa salaysay ni Alexander, dumaan sila sa harap ng bahay ng mga Obligar na nung mga oras na yun ay nag-iinuman kasama ang kanilang mga barkada nila.
Pinatotohanan nga niya ang lahat ng impormasyon na ibinigay sa amin ni Felicitas sa isang sinumpaang salaysay.
Ayon sa kanya biglang na lang nilapitan si Rafael nila Reggie, Romeo, Boy at kasama ang ilan nilang barkada at pinagtulong-tulungan at binugbog si Rafael.
“Nakitang hinawakan ni Boy ang braso ni Rafael habang sinusuntok siya ni Romeo at nung medyo tuliro na si Rafael ay nakita kong bumunot ng kutsilyo si Reggie at pinagsa saksak si Rafael sa leeg at braso hanggang sa tumumba siya dun sa lugar,” ayon sa sinumpaang salaysay ni Alexander.
Hindi daw nakakilos si Alexander sa takot na siya naman ang balingan ng mga suspects.. Sa bandang huli nakonsensya siya na di niya natulungan ang kaibigan sa oras ng kanyang kagipitan.
July 6, 2008 ng inilibing ito sa Bagbag Cemetery, Quezon City.
July 4, 2008 ng magsampa ng kasong Murder sa Quezon City Prosecutors Office si Felicitas.
Nagkaroon kami ng pagkakataon na mabasa ang sinumpaang salaysay ni Romeo Obligar at ayon dito na nung June 28, 2008 ay kasalukuyan merong salo-salo sa kanilang bahay kasama ang kanyang mga kapatid at ilang mga kaibigan dahil ito ay kaarawan niya.
Inutusan siya ng kayang asawa na si Analisa Obligar na sunduin ang pinsan niyang si Joan Ripalde para makasama sa salo-salo.
Nung panahong iyon ay kasalukuyang umiinom ng alak at may kasamang babae si Rafael at dahil sa kakiputan ng eskinita ay nung pagdaan niya ay nasanggi niya ang babaeng kasama nito sa inuman.
Agad humingi ng paumanhin si Romeo ngunit sa halip na unawain ni Rafael ang pangyayari ay minura pa siya nito at sinabing hindi niya tinatanggap ang sorry ni Romeo sabay suntok ni Rafael sa kanya. Siya ay umuwi na lang para hindi na lumala ang mga pangyayari.
Muli siyang inutusan ng kanyang ate para bumili ng hamburger. Hindi alam ni Romeo na nandun si Rafael sa tindahan at naghihintay lamang ng pagkakataon.
“Muli niya kong hinamon ng suntukan at sa pagkakataong ito ay nakipagsuntukan na ako sa kanya. Nakita kong may dala siyang patalim. Hindi nagtagal ay nakita ako ng aking kapatid na si Roggie sa hindi magandang kalagayan at udyok ng damdamin ng kapatid ay tinulungan niya ako sa pamamagitan ng pag-awat kahit pilay siya” ayon sa sinumpaang salaysay ni Romeo.
Sabi pa ni Romeo ginamit ni Rafael ang panaksak at tinangka siyang saksakin. Nagpambuno umano sila at naagaw ni Reggie ang patalim. “Nagdatingan ang maraming tao at pinagtulong-tulungan si Rafael dahil maraming galit sa kanya dahil pagnalalaseng siya ay naghahanap ito ng away at siya ang siga siga sa aming lugar,” ayon kay Romeo.
Dagdag pa nito na nung marami ng tumulong sa amin ay siya ay hinila na ng kanyang asawa para umuwi kaya hindi na nila alam ang nangyari at nabalitaan na lang nila na patay na si Rafael.
Ayon kay Felicitas na binabaligtad ng magkakapatid na Obligar ang nangyari para malihis ang kwento at mapawalang sala sila.
Nung November 5, 2008 ay sinabi ni Quezon City Prosecutor Rueben Ritzuko T. Veradio na for ‘resolution’ na ang kaso.
“Ang dalangin lang namin ngayon ay lumabas na ang resolution para naman madakip na ang pumatay sa aking anak,” pakiusap ni Felicitas.
Ipinangako namin sa kanya na paglumabas ang resolution at naglabas ng warrant of arrest ang korte para sa mga pumatay sa kanyang anak ay tutulungan namin siya para mabilisang pagdakip ng mga ito at makamit nila ang hustisya.(KINALAP NI JONA FONG)
Sa mga gustong dumulog sa aming tanggapan ang aming mga numero, 09213263166 o sa 09198972854 at ang aming landline ay 6387285. Maari din kayo magpunta sa 5th floor City State Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig City.
- Latest
- Trending