MUKHANG may bagong estilo na para makaiwas, kahit pansamantala, sa pagkakahuli o pagpunta sa imbitasyon ng Senado o Kamara. At hindi na ang mga abogado ang takbuhan ng mga taong ito, kundi doktor na. Ang bagong “safehouse” na rin ngayon ay ang ospital. Natatandaan ba ninyo ang pagdating ni Jocjoc Bolante sa Pilipinas? Agad-agad at paspasan siyang dinala sa St. Luke’s Memorial Hospital dahil sa umano’y pagtaas ng kanyang presyon at hirap umano sa paghinga. Dapat sana ay deretsong arestado ng Senado. Ilang linggo rin siyang nasa St. Luke’s, na sa kinalaunan ay wala naman siyang karamdaman. Pero nataon naman na napadaan si Unang Ginoo Mike Arroyo sa St. Luke’s.
At duktor na rin ang nagpasya kay Mike Arroyo na huwag nang dumalo sa Senado, at matindi ang stress daw na maidudulot ng mga pagtatanong ng mga Senador. Pero puwede siyang maglaro ng golf! Talaga naman! Wala rin sigurong stress iyong masangkot sa milyon-milyong pisong anomalya ano? May karamdaman naman talaga ang Unang Ginoo. Sa St. Luke’s rin siya inoperahan para sa isang dissecting aneurysm o ang paglobo ng ugat, na maaaring pumutok at maging sanhi ng pagkamatay. Naging matagumpay ang operasyon sa kanya, pero madalas na siyang kailangang nagpapa check-up. Pero sigurado ako na mahihirapan intindihan ng ordinaryong mamamayan kung bakit sa golf, pwede at sa Senado, hindi.
At ngayon, ang bagong sikat na personalidad sa Fertilizer Scam na si Jimmy Paule, ay nasa St. Luke’s na rin dahil may karamdaman umano sa puso. Nataon lang naman na pinaaaresto na rin siya ng Senado dahil sa lantaran niyang pagsisinungaling habang nakasumpa, sa imbistigasyon ng Senado sa naturang scam. Hindi mo akalaing may karamdaman sa puso dahil noong ginigisa siya ng mga Senador, ay “cool na cool” pa nga siya, at nakakatalumpati pa nga! Kaya ayun, hospital arrest na rin siya ngayon at mukhang idederetso siya sa Pasay City Jail pag nakalabas na ng St. Luke’s. Siguro nga ay dapat sa St. Luke’s na lagi hanapin ang sinumang hinahanap ng batas, at mukhang dito na nga ang takbuhan ng lahat. Sigurado naman ako na hindi ganito ang gusto ng St. Luke’s na makilala sa mamamayan, kundi isang world class na ospital, na pwedeng makipagsapalaran sa kahit anong ospital sa buong mundo. Lalo na kapag nagbukas na ang kanilang bagong gusali sa The Fort. Napakalaki nun, na kahit buong Kongreso ay pwedeng magtago na rin doon, kung sakaling dumating ang araw na pag-aarestuhin na rin silang lahat! Paki-silip nga at baka si Lintang Bedol eh nandiyan na rin.