EDITORYAL - Kung walang inililihim ba't di humarap sa hearing
KAHIT ano pa ang gawin ng Senado, malabo na ngang mapadalo sa kanilang inquiry si First Gentleman Jose Miguel Arroyo. At nakikita na wala na namang kahihinatnan ang kanilang imbestigasyon. Katulad din ito ng mga nakaraan nilang imbestigasyon — halimbawa’y ang NBN-ZTE deal na wala ring kinatunguhan. Noong Huwebes, sinabi ni FG na gusto siyang patayin ng kanyang mga kritiko. Wala naman daw katotohanan ang mga akusasyon sa kanya. Sa himig ng pananalita ni FG, wala siyang balak humarap sa Senado para sagutin ang inaakusa sa kanya kaugnay sa $133-milyong anomalya sa road project na ibinulgar ng World Bank.
At ano kaya ang susunod na hakbang ng Senado ukol dito. Kung ayaw humarap ni FG, tiyak na hindi rin siya papayag sa balak ni Sen. Miriam Defensor-Santiago, sila ang pupunta kay FG para marinig ang panig. Ayon kay Santiago, sa deposition ay maaaring ibigay ng isang tao ang kanyang side. Ito aniya ay under oath. Sabi ni Santiago kaysa raw pilitin na papuntahin sa Senado, sila na lamang ang pupunta. Pero sa aming palagay tatanggihan din ito ni FG.
Lumawak nang lumawak ang ibinulgar ng World Bank ukol sa anomalya. Tatlong kompanyang Pinoy ang pinagbawalan ng World Bank na makasali sa bidding dahil sa katiwalian. Itinigil ng World Bank ang pagbibigay ng pondo. Sabi ni Sen. Panfilo Lac son, ang isa sa mga may-ari at contractor na na-blacklist ay kakilala ni FG. Nakakuha ng kopya ng diary si Lacson kung saan 20 beses daw nakipagkita ang contractor na si Eduardo de Luna kay FG.
Mag-iisang buwan nang usap-usapan ang pagkakadawit ni FG sa anomalya. At patuloy din naman siyang umiiwas sa isyung ito. Maski si President Arroyo ay walang masabi ukol dito. Habang patuloy ang pag-iwas, lalo namang nagdududa ang taumbayan kay FG. Hindi lamang ang isyu sa World Bank ang kanyang kinasangkutan kundi merong iba pa. Marami na ring putik ang sinaboy sa kanya at damay ang kanyang maybahay.
Pinakamainam ay humarap siya sa imbestigasyon at linisin ang pangalan. Kung walang inililihim, madaling magsalita ukol dito. Kung walang itinatago, madaling magpaliwanag. Kahit na paikut-ikutin ng mga Senador ang pagtatanong, kahit na bali-baliktarin, masasagot niya kung walang itinatago o inililihim. Ang taong matuwid ay hindi maililihis.
- Latest
- Trending