Nahihiya ang mga Pinoy sa balitang korapsiyon
MALAKING kahihiyan sa mga Pinoy na narito sa Ame-rika ang mga masasamang balita na may kinalaman sa korapsiyon sa Pilipinas. Nakakahiya dahil sinasangkot sa korapsiyon ang asawa ni President Gloria Macapagal Arroyo.
Buong mundo marahil ang nakabasa sa report ng World Bank ukol sa mga nangyayaring katiwalian. Ayon pa sa report ng World Bank tumanggap umano ng suhol si First Gentleman Mike Arroyo at ilang mga malalapit na tauhan ng administrasyong Arroyo. Kasama raw ni FG na tumanggap ng pera ang isang dating cabinet member, isang senador na namatay na, dalawang dating congressmen, mga matataas na opisyal ng gobyerno at businessmen.
Ang grupo raw ni FG ay parang mafia sapagkat hinarang ang mga contractor upang sa kanila padaanin ang mga bidding ng contractors sa government projects. Ginamit daw ng grupo ang contractor na si Eduardo de Luna upang maging middleman at gumawa ng pakikipagsabwatan sa mga opisyal na may kinalaman sa government projects kasama ang proyekto ng World Bank.
Binanggit sa World Bank Report ang komisyon na tinanggap. Si First Gentleman Mike Arroyo ay 5 percent daw ang tinanggap samantalang ang namayapang senador ay 5 percent hanggang 6 percent daw. Three percent naman daw ang napunta sa contractor at 10 to 15 percent ay para raw sa ibang opisyal ng gobyerno.
Ang nakasasama ng loob ay kung bakit mabagal ang kilos ng mga senador at kongresista sa pag-iimbestiga sa anomalyang binulgar ng World Bank. Isa lang ito sa mga korapsiyon na nananaig sa bansa. Kailan kaya mapuputol ang corruption sa bansang ito?
- Latest
- Trending