MAGANDANG malaman na ang mga senador ay ginagawa ang kanilang tungkulin sa sambayanan. Sila ang mga nagmamasid sa mga ginagawang mali ng mga opisyal ng pamahalaan at kanilang hinahalukay. Sila ang naghahanap ng mga ebidensiya para mapatunayan ang kanilang inaakusa. Ganyan talaga ang gawain nila. Sa pamamagitan ng mga imbestigasyon sa mga inaakala nilang mali at tiwali ay nakikita ang demokrasya sa isang bansa.
Subalit mas maganda naman kung sana ay mayroong kahahantungan ang mga imbestigasyon na kanilang sinimulan. Mas masisiyahan ang taumbayan kung ang kanilang iniimbestigahan ay magkakaroon ng kaganapan at makikita kung paano ginapi ang mga gumagawa ng katiwalian.
Marami nang inimbestigahan ang Senado na may kaugnayan sa katiwalian. Pinaka-sikat ay ang NBN-ZTE deal na inimbestigahan noong nakaraang taon. Sangkot sa NBN-ZTE ang mga malalaking tao sa gobyerno kabilang sina President Arroyo at kanyang asawang si First Gentleman Mike Arroyo, dating Comelec chairman Benjamin Abalos at dating NEDA chief ngayo’y SSS head Romulo Neri. Ang ganda sa simula ng imbestigasyon ng Senado pero nauwi lang sa wala ang lahat. Wala ring nangyari sapagkat walang napatunayan. Ang nakatutuwa lang ay hindi na tinuloy ang deal. Pero mas may inaasahan pa sana kaysa rito ang taumbayan.
Tinalakay din ng Senado ang tungkol sa P728-milyon fertilizer scam na ang arkitekto ay si dating Agriculture Undersecretary Jocjoc Bolante. Pero wala ring nangyayari sa imbestigasyon. Ang mga kasangkot na personalidad ay maraming alibi na ginagawa. Kagaya ng umano’y bagman ni Bolante na si Jaime Paule na ngayon ay naka-“hospital arrest”. Maraming duda kung may mapipiga ang Senado kay Paule. At nasaan na si Bolante?
Ngayon ay report naman ng World Bank ukol sa katiwalian ang tinatalakay ng Senado. Sangkot na naman si FG sa katiwalian sapagkat ang may-ari ng E. C. De Luna Corp. ay kaibigan daw ng Unang Ginoo. Ang E.C. De Luna Corp. ay isa sa na-blacklist ng World Bank dahil sa corruption. Hindi mapilit ng Senado si FG na magtestify sa Senado. Sabi lamang ni FG, walang katotohanan ang lahat ng akusasyon ay gusto lamang siyang patayin ng kanyang mga kritiko.
Nakikita na walang mangyayari sa imbestigasyong ito at sa mga susunod pa.