BIHIRA SA ISANG BABAE na “BUO ANG LOOB” kahit sa harap ng malaking panganib na maari niyang ikapahamak. Kahanga-hanga ang tulad ng ginang na lumapit sa aming tanggapan na masasabi mong kasing tapang ni “Gabriela Silang.”
January 21, 2009 ng pumunta sa aming tanggapan si Rosenda Gutierrez 55 taong gulang at taga Navotas City upang idulog ang nangyari sa kanyang anak na si Rommel Gutierrez.
Si Rommel ay 34 taong gulang, binata at nagsa “side-line” bilang isang barbero.
January 3, 2004 bandang ala una ng madaling-araw nang pauwi si Rommel galing sa ‘birthday celebration’ ng kanyang kaibigan ng may nadaanan siyang isang grupo ng kalalakihan na nag-iinuman.
Lumapit umano ang isang lalake na galing sa inuman na nakilalang si Joselito ‘Joey’ Quilang, 33 taong gulang may pamilya. Ang negosyo nito ay ang pagpapa-utang. Sila ay magkakapitbahay pero kahit kelan hindi sila naging “close” sa isa’t-isa.
Ayon sa sinumpaang salaysay ni Rommel ay kinapkapan siya ni Joey. Umiwas siya ngunit dumikit pa rin ito at biglang ipinasok ang dalawang kamay niya sa mga bulsa ng shorts ni Rommel.
Matapos ‘yun kinapa ni Rommel ang kanyang bulsa kaya nalaman niya na wala na ang kanyang pera na nagkakahalagang ng P120,00.
Sinita niya si Joey at pilit niyang hinihingi na ibalik sa kanya ito. Pilit namang itinatanggi ito ni Joey at dun na silang nag-umpisang magtalo.
Nagising si Rosenda dahil may narinig siyang nagmumura ng malakas kaya’t sinilip niya ito. Nakita niya si Rommel na nakikipagsagutan kay Joey.
“Nagulat ako sa aking nakita kaya tinawag ko agad ang anak ko. Tinanong ko siya kung anong nangyari at sinabi niyang dinakma ni Joey ang bulsa niya. Sinabi kong hayaan na niya yun at umuwi na para makaiwas sa gulo,” kwento ni Rosenda.
Pumasok na si Rommel sa kanilang bahay pero sumunod pala si Joey at pagkatapos nakita na lang nila na pinagsisisipa nito ang kanilang gate at sinabing ‘Hintayin mo ko at babalikan ko kayo’.
Ayon pa rin sa sinumpaang salaysay ni Rommel ay matapos ang ilang minuto, bumalik si Joey sa bahay nila at nagwala. Pilit niyang pinalalabas si Rommel kasunod ang sunud-sunod na putok ng baril.
Ayon kay Rosenda na sumilip siya sa kanilang bintana at nakita niyang inaasinta ni Joey ang kwarto ng kanyang anak. Sumigaw siya ng ‘Bakit mo binabaril ang anak ko sa itaas?’.
Lumapit si Joey kay Rosenda. Itinutok umano ang baril nito sa kanyang dibdib at sinabing ‘Ilabas mo ang anak mo kundi papatayin ko kayong lahat’.
Muling bumalik si Joey sa harap ng bahay nila Rosenda at binaril muli ng isang beses ang kwarto ni Joey. Naubusan na siya ng bala at kung akala ninyo na tapos na ang insidenteng ito, isinuksok niya ang kanyang baril na wala ng bala at hinugot ang isa pang nitong baril at binaril pa ng dalawang ulit ang bintana ng kwarto ni Rommel.
“Bumalik na naman siya sa harapan ko at nakatutok pa rin ang baril sa aking dibdib at sinabing, ‘Alam mo bang mas mahalaga pa ang magazine ko kaysa sa mga buhay ninyo.’ Matapos ay lumakad siya ng palayo at patuloy pa rin siyang bumabaril ng pataas,” ayon kay Rosenda.
Hindi natinag si Rosenda sa kanyang pagkakatayo. Buo ang kanyang loob na hindi umalis sa harap ng pintuan na kanilang bahay dahil baka pasukin ang kanilang bahay at tuluyang barilin at mapatay ang kanyang anak at iba pang mga miyembro ng kanyang pamilya.
Matapos ‘yun ay agad niyang tiningnan ang kanyang pamilya sa itaas ng kanilang bahay upang alamin ang kanilang kalagayan. Nakita niyang nakadapa sila Rommel. Ang laki ng kanyang pasasalamat na hindi nasaktan sa loob kabilang ang kanyang asawa at isa pang anak.
Kina-umagahan ay nagpunta sila Rosenda sa Navotas Police Station upang isumbong ang ginawang pambabaril, panggugulo at pananakot ni Joey. Dinala din nila ang mga balang nakuha nila sa kanila bahay dahil sa pamamaril ni Joey.
Ayon sa pagsusuri ni SPO4 Randy Bontigao na 9mm at kalibre 45 ang ginamit na baril ni Joey ng siya ay namaril.
January 4, 2004 ng magsampa sila ng kaso sa Navotas Prosecutors Office ng Robbery, Attempted Homicide at Grave Threats.
March 21, 2004 ng lumabas ang resolution na pinirmahan ni Navotas Assistant City Prosecutor Ojer Pacis at naisampa ang kaso sa Malabon City Regional Trial Court-Branch 74.
Nagkaroon kami ng pakakataon na mabasa ang kontra salaysay ni Joey at ayon rito na gawa-gawa at kasinungalingan lang nila Rosenda at Rommel ang kanilang mga sinabi sa kanilang sinumpaang salaysay.
Dagdag pa nito na kaya lang nila ginawa ‘yun dahil gusto lang nilang takutin si Joey at pilitin siyang huwag ng singilin ang mag-ina sa kanilang pagkakautang ng P35,000.00. Marami umanong nagsumbong kay Joey na hindi nila babayaran ang pagkakautang nila dito at gagawin nila ang lahat ng paraan para huwag silang masingil.
Ayon pa rin sa kontrasalaysay ni Joey ay ang totoong nangyari ay bandang alas-dos ng madaling-araw habang siya ay naglalakad galing sa burol ng kanyang kaibigan ay may nadaanan siyang isang grupong nag-iinuman.
Naupo siya sa harap ng nag-iinuman at tinagayan siya ng isang beses. Hindi nagtagal ay tumayo si Rommel at inaya si Joey na mag-usap. Pumayag siya at paglagpas nila ng mga dalawang dipa ay inakbayan siya ni Rommel na nung mga panahong iyon ay laseng na laseng, makulit at pinagbibintangan niya si Joey na nagnakaw ng P120,00 ni Rommel sa kanyang bulsa.
“Ako ay biglang nagulat sa kanyang pagbibintang kung kaya’t sinabi ko sa kanyang ‘Pare kung anu-ano ‘yang naiisip mo. Lasing na lasing ka na, umuwi ka na at bukas na tayo mag-usap’. Hindi sumunod sa aking payo si Rommel at sa halip ay kinapkapan niya ako sa lahat ng aking bulsa at pati wallet ko ay kinuha at tiningnan niya ngunit wala siyang nakitang P120,00’ ayon sa sinumpaang salaysay ni Joey.
Nagpaalam na si Joey sa mga nag-iinuman. Nung mga 20 metro na ang layo niya sa mga nag-iinuman ay may narinig siyang isang putok ng baril na sinundan pa ng dalawang putok ng baril pero hindi na niya ito tiningnan at umuwi na raw siya sa kanyang bahay.
Idinemanda naman niya si Rosenda ng Estafa at Light Threats. Nadismiss ang kasong estafa ngunit patuloy ang kanilang hearing sa kasong light threats sa Metropolitan Trial Court ng Navotas.
“Ginugulo niya ang kaso kaya idenemanda niya ako. Alam kong matatapos din itong gulong ito at makakamit namin ang hustisya. Kailangan maparusahan siya dahil masyado siyang mayabang at para may matutunan siyang leksyon. Kahit anong mangyari ay hindi ako uurong sa labang ito. Laban kung laban!,” pahayag ni Rosenda.
Nakipag-ugnayan kami kay Prosecutor Ojer Pacis ng Navotas Prosecutor’s Office upang alamin ang kalagayan ng kaso nila Rosenda at nangako siyang ipa-follow up niya ang kaso ni Rosenda kay Prosecutor Batara na siya mismong humahawak sa kaso. Tututukan namin ang kasong ito! (KINALAP NI JONA FONG)
Sa mga gustong dumulog sa aming tanggapan ang aming mga numero, 09213263166 o sa 09198972854 at ang aming landline ay 6387285. Maari din kayo magpunta sa 5th floor CityState Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig City.
Email: tocal13@yahoo.com