BILANG opisyal ng isang public institution, saksi tayo sa hirap na dinaranas ng mga aplikanteng nais mamasukan sa pamahalaan. Hindi lahat ng posisyon sa gobyerno ay nakareserba para sa mga opisyal. Malaking bahagi ng workforce ay mga kawani, clerical at manual workers na kadalasa’y kulang sa kwalipikasyong (education, training at experience) kinakailangan ng posisyon.
Malaki ang interes ng pamahalaan na palakasin ang serbisyo sibil. Sinisiguro nito ang propesyonalismo sa paglilingkod. Noong unang panahon, pulitika ang namamayani — kung sino ang Pangulo, kanya ang “spoils of victory” o ang karapatang mamahagi ng posisyon sa kanyang kapartido. Hindi naging mabisa ang pamamalakad ng administrasyon dahil walang security of tenure na papanatag sa kalooban ng lingkod bayan, walang kasiguruhan na kuwalipikado ang gagawa ng trabaho at wala ring oportunidad na ma-promote kung walang koneksyon. Sabi nga sa England kung saan nag-umpisa ang lahat — mga tamad at walang ambisyon lamang ang interesado sa trabaho sa gobyerno kung saan ok sila basta walang grabeng aberya at kapag hindi lang sila mag-absent ng napakadalas. Isang malakas na sistema ng Civil Service ang kinailangan –- at kinilala ang kahalagahan nito sa lahat ng pamahalaan sa daigdig.
Kuwalipikasyon o Merit ang naging batayan ng sistema. Subalit sa dami ng trabahong kailangang gampanan, nangailangan pa ring kumuha ng mga marunong subalit kulang ang kwalipikasyon para lang hindi maantala ang pamamalakad. Ito’y ang mga temporary, casual, contractual at co-terminous employees. Pero hindi rin naging mabisa ang sistemang ito dahil hindi tumatagal sa trabaho ang ganitong uri ng empleyado.
Kaya napakagandang ideya ang panukalang mabigyan ng civil service eligibility ang mga ganitong empleyadong nakapaghandog na ng at least 5 years na patuloy na mabisang paglingkod. Kapag nagtagal ka na rin sa puwesto kahit walang seguridad, nangangahulugan lamang na kaya mo ang trabaho at, higit dito, na ika’y may malasakit sa puwesto. Ano pa bang sukatan ng propesyonalismo ang hahanapin? Ang REPORT CARD ay nakikiisa at tumataguyod sa mga hakbang nina Reps. Rozzano Rufino Biazon, Fredenil Castro, Marcelino Teodoro, Raul Gonzalez, Jr. at Ronald Singson na maisakatuparan ang regularisasyon ng ating mga magiting na kawani.
Gentlemen, ang GRADE ninyo sa REPORT CARD ay PA SADO! At kung sakaling wala rin kayong mga Civil service eligibility, ok lang sa bayan na isama nyo na rin ang sarili sa inyong mga House Bill. Salamat Po.