NAKAAMBA raw putulin ng mga dayuhang bansa ang ibinibigay nilang foreign aid sa atin. Ang dahilan: Talamak na korapsyon! Iyan ang bumulagang balita sa mga pahayagan ngayon.
Sino na naman kaya ang sisisihin ng gobyerno? Tiyak ang media. Ang mga radyo, telebisyon at pahayagan na sa nakalipas na mga araw ay inilalathala ang isyu sa mga minamanipulang bidding sa mga proyektong tinutustusan ng World Bank. Mga katiwalian na ang mga nadadawit ay mga key persons sa administrasyong ito, kasama na ang Presidente at kanyang asawa.
Inuunahan ko na ang pamahalaan dahil tiyak kong isasangkalan ang mga masasamang balita na ipinapahayag ng media.
Ang media ay hindi imbentor ng mga nangyayari. Ang balita sa radyo at telebisyon ay hindi soap opera at ang mga nalalathala sa peryodiko ay hindi komiks na gawa-gawa o kathang isip. Ito ay “salamin” lamang sa mga nangyayari sa lipunan at pamahalaan. Kung walang nasusunog, walang sisingaw na usok. Kung walang nabubulok, walang bahong aalingasaw, hindi ba?
Ang media ay may pananagutan una, sa Diyos at pangalawa sa taumbayan. Nararapat itong magsilbing “tenga, mata at tinig” ng mamamayan. Pero kadalasan, kapag kabulukan sa pamahalaan ang naisisiwalat, media ang unang-unang sinisisi ng mga opisyal ng gobyerno na tinatamaan ng haplit at pilantik ng panitik.
Pabor ako sa sinasabing dapat bigyan ng exposure sa media ang mga positibong nangyayari. Ginagawa naman talaga iyan ng isang matinong mamamahayag. Ako mismo ay ginagawa ko iyan kung may magandang nagawa o planong gawin ang gobyerno. We give praise and credit when they are due. Pero kadalasan, ang mga positibo ay natatabunan ng mga negatibong nangyayari na hindi maaaring pagtakpan.
Ang lisya at masama kapag pinagtakpan mo ay isang mortal na kasalanan sa larangan ng pamama hayag. Ang mamamahayag na gumagawa ng ganyan ay kakutsaba ng mga gumagawa ng katiwalian.
Kaya napapahanon ang lagi nating tinatalakay na paksa ukol sa “righteous governance” na kailangan natin ngayon. Kung hindi magbabago, lalo pang lulubog sa lusak ang bayang ito. Kawawa naman tayo. Kung wala nang mga bansang tutulong at magpapautang sa atin, baka tuluyan nang mabura sa mapa ang mahal nating bansa.