Katiwalian sa Pilipinas lantad na sa mundo
DALAWANG malaking kahihiyan sa Pilipinas ang dinulot ng Arroyo admin. Una, lumantad sa mundo ang katiwalian nito. Sa ulat ng World Bank, si First Gentleman Mike Arroyo mismo ang protektor ng mga kontratistang nagkutsabahan sa $33-milyon roadwork bidding nu’ng 2003. Ikalawa, napanood ng mundo kung papano magtakip ang Kongreso at Malacañang sa kalokohan ni Arroyo. Nag- kaisa ang mga kapartidong senador at kongresista, Malacañang spokesmen at Cabinet, at si Presidente Gloria Arroyo mismo para siraan ang World Bank.
Isang Hapones at dalawang Pilipinong kontratista ang tumestigo sa World Bank na pinoprotektahan ni Mike si Eduardo de Luna, pinuno ng kutsabahan. May 5% cut daw si Mike sa lahat ng kontrata ng kutsabahan. Sangkot din sa gusot ang isang yumaong senador, dating public works secretary Florante Soriquez, dating congressmen Prospero Pichay at Jerome Paras, at DPWH directors Tito Miranda at Marcelo Belleza. Anang Hapones, ang yumaong senador ang nagpayo na para magka-negosyo sa gobyerno, kailangan magsuhol sa mga taga-ayos ng presyo, taga-apruba ng kontrata, matataas na opisyales at pulitiko, hanggang sa Presidente mismo. Pito pang kontratistang Pilipino ang tumestigo tungkol sa kutsabahan.
Mabilis nagpatawag ng inquiry ang House public works committee. Pina-lay-up lang, kumbaga, si De Luna, na umarteng biktima lang siya ng intriga. Sa ikalawa’t huling hearing, pinawalang-sala ng komite si De Luna, at kinastigo ang World Bank dahil sa umano’y pang-aapi. Pero ang mga kongresistang kumampi kay De Luna ay mga kapwa-kontratista niya.
Nagpatawag din ng hearing si Senate committee on economic affairs chairwoman Miriam Santiago. Mabait din siya kay De Luna. At nang idikit ni Sen. Panfilo Lacson si De Luna kay Mike, ibinaling agad ni Miriam ang bintang kina Ombudsman Merceditas Gutierrez, DPWH Sec. Hermogenes Ebdane, at Finance Sec. Gary Teves. Sinikap ni Press Sec. Cerge Remonde maliitin ang World Bank report. Tinapos ang hearing sa loob ng dalawang oras. Singit naman ni GMA na kesyo bina-black propaganda lang siya.
- Latest
- Trending