'Padre Pete'
NIYANIG ni Mayor Rodrigo Duterte ang buong Davao City noong isang Linggo nang binunyag niya sa kanyang weekly TV show na ‘Gikan sa Masa, Para sa Masa’ na si Father Pedro ‘Pete’ Lamata ng St. Mary’s Parish sa Barangay Buhangin ay kinasal nga sa Dauis, Bohol noong 1982, dalawang taon pagkatapos ng kanyang ordinasyon bilang pari.
Nag-ugat ang pagbunyag diumano ni Duterte dahil nga raw inayawan ni Father Pete ang nakalaang food assistance na dinaan ng City Hall sa mga simbahan noong nakaraang Pasko. Ang pag-ayaw ni Father Pete ay dahil nga raw sa kanyang pagtutol sa patuloy na summary executions dito sa Davao City.
Ayon sa mga balita ang bangayan nina Duterte at Father Pete ay matagal na rin daw na umabot pa nga raw na kini-criticize ng pari ang mayor sa kanyang homily. Patong patong na nga raw hanggang sa pumutok si Duterte sa galit na kinahahantungan ng di kanais-nais na pagbubunyag sa television.
Isantabi ko muna ang bangayan nina Duterte at Father Pete. May isang bagay lang akong nais maliwanagan dahil nga ito ay nakaapekto sa simbahang aking kinagisnan at hanggang ngayon ay pinapahalagahan at minamahal.
Hindi ko hinuhusgahan si Father Pete. May gusto lang akong linawin.
Iisang bagay lang ang nais kong linawin ni Father Pete. Ano ba talaga siya, pari ba o may-asawang tao? Is he a priest or a married man? Dahil hindi siya puwedeng maging legally married na at the same time pari ng Roman Catholic church. Kasi ganito yon, hanggang ngayon ang kasal ni Father Pete noong 1982 ay hindi pa rin napawalang bisa.
Hindi na sinagot ni Father Pete ang mga paratang ni Duterte at si Davao Archbishop Fernando Capalla na ang nagpalabas ng statement na kinompirma nga na totoo nga raw na kinasal si Father Pete noong 1982. Sinuway nga raw ni Father Pete ang kanyang vow of celibacy.
At ayon kay Atty. Ramon Edison Batacan, legally, by all means, si Father Pete ay talagang may asawa pa kung ang pag babasihan ay ang records ng National Statistics Office. At technically, hindi puwedeng parehong maging pari at may-asawang tao si Father Pete.
Oo nga, andun na tayo na dumaan na si Father Pete sa nararapat na process at pinatawan na siya ng sanctions at maging ng suspension bago siya pinabalik sa priestly ministry.
Ngunit may isang bagay na nakaligtaan at napabayaan si Father Pete, at iyon ang asikasuhin ang legal dissolution ng kanyang kasal. At ngayon, dalawampu’t pitong taon na nga ang nakaraan ngunit ang status ni Father Pete ay ‘married’ pa rin.
May nakausap akong isang pari rito na isa sa mga dumalo sa pagtitipon na pinatawag ni Bishop Capalla pagkatapos na pagkatapos ng mga pagbunyag ni Duterte. Inamin ng paring aking nakausap na sila mismo ay nabigla rin sa mga pahayag ng mayor laban kay Father Pete.
Father Pete owes it to the Church, to his fellow priests and to his flock for him to once and for all clear his status. Because technically, he could not be both, a married man and a Roman Catholic priest.
Hiningi ni Bishop Capalla ang forgiveness and compassion sa kaso ni Father Pete. Walang problema yong kapatawaran at pag-unawa sa sitwasyon ni Father Pete. Kusang ibibigay yon sa kanya.
Ngunit, nararapat na ring harapin at aminin ni Bishop Capalla at maging ni Father Pete na may pagkukulang o lapses din sila sa paghawak ng kaso. Mahabang panahon yong dalawampu’t pitong taon. Napapanahon na rin na dapat gawin na ang nararapat na hakbang para nga maituwid ang isang pagkakamali.
At para kay Bishop Capalla, sinabi mo sa statement mo——“so that others, especially the media, will be duly informed and hopefully correct themselves.”
Siguro naman Bishop, ‘yong sinabi mo na hopefully kami sa media would correct ourselves’, ay pupwede mo ring masabi sa mga nasa simbahan na ‘i-correct’ o iwasto rin ang 27-year lapse sa hindi pag-legally dissolve ng kasal ng Father Pete.
At ayon nga sa paring nakapanayam ko, na sila mismong mga pari ay apektado sa sitwasyon ni Father Pete. Ayaw mang aminin ng simbahan, ngunit may krisis din sa loob nito, lalo na sa mga kasamahan niyang pari.
Ngunit anuman ang mangyari, naniniwala pa rin akong ‘the Church shall overcome’ sa kung anumang krisis na dulot nitong sitwasyon ni Father Pete.
- Latest
- Trending