Pebrero katorse
Ang Araw ng Puso -– Pebrero Katorse
Pero puso nati’y hindi maintindi;
Kahi’t ang Maykapal laging nagsasabi:
“Magmahalan kayo’t ang mundo’y bubuti’!
Subalit masdan mo ang daigdig ngayon
sa lahat ng dako’y iba ang panahon;
Palestine at Israel naghahari’y kanyon
at bagsak ng bomba na dumadagundong!
Pati Amerikang malakas na bansa
sakbibi ng lungkot at waring nanghina.;
Kayamanan nito’y parang nawawala
pati yaman natin ay hilang pababa!
At dito sa atin na bansang Kristiyano
ay maraming puso ang nagkakagulo;
Sakmal din ng gulo ang ating gobyerno
Congressma’t Senador hindi magkasundo!
Mga anomalya’t mga kontrobersiya
ay hindi malutas kahi’t lumutang na;
Ginagawa nila’y puro imbestiga
hindi nakukulong ang mga maysala!
Doon sa Mindanao na sakop ng bansa
Kristiyano at Muslim ay nagsasagupa’
Sila’y magkapatid pero ang masama
mga puso nila ay pusong ulikba!
Sa mga probinsiya at maging sa Metro
magulong-magulo ang puso ng tao;
Sa munting problema nag-aaway dito
may nagpapatayan at nag-aasunto!
Kaya papaanong mga puso natin
magiging masaya ngayong Heart Day?
Marami ang pusong lubhang masasakim
at ang mga dukha’y sakmal ng panimdin!
Sana ngayon na Araw ng mga Puso
Tayong mga tao’y tapat sa pangako;
Lahat ng alitan iwaglit sa mundo’t
tayo’y magmahalan sa lahat ng siglo!
- Latest
- Trending