Saan ang due process, tanong ni De Luna
MAY katwirang magsisigaw ng foul si Eduardo de Luna, ang may-ari ng E.C de Luna Construction dahil hindi siya binigyan ng karapatang idepensa ang sarili niya sa umano’y katiwalian sa bidding sa World Bank-funded projects na naging dahilan para ma-blacklist ang kompanya niya. Ipinaliwanag ni De Luna na IPINAWALANG SALA ng World Bank ang kompanya niya sa naturang akusasyon subalit ang sanctions Board nito ay nai-blacklist siya at ang dalawa pang kompanya sa mga WB-funded projects. Ipinangalandakan ni De Luna na sa desisyon ng WB na may petsang Jan. 12, 2009, sinabi nito na HINDI sapat ang ebidensiya para hatulan ang E. C. de Luna Construction at ang may-ari nito na si Eduardo de Luna sa akusasyong kasangkot siya sa katiwalian at graft and corruption. O maliwanag pa sa sikat ng araw itong desisyon ng WB ah.
Itong desisyon ng World Bank ang naging sentro ng kontrobersiya sa ngayon dahil ginatungan ito ni Sen. Ping Lacson. Alam n’yo naman mga suki na si Lacson ay naglalaway na makapag-privilege speech sa Senado kapag ang target niya ay hindi lang si First Gentleman Mike Arroyo kundi maging si President Arroyo mismo. Subalit tulad ng mga unang pagbubulgar niya, masu-sustain kaya ni Lacson ang akusasyon niya na sa tingin ng maraming kausap ko sa Manila Police District (MPD) eh third party account lang ito. ‘Ika nga hindi na naman tatayo sa korte ang ebidensiya ni Lacson. Kung tutuusin kasi, itong report kuno ng World Bank ay kuwento lang ng mga kausap ni Tomatu Suzuka, isang Japanese contractor, na lumalabas na talunan sa mga bidding ng WB-funded projects nga. Paano kakasuhan ang mga taong binanggit ni Suzuka kung hindi naman first hand ang account niya sa katiwaliang kuno sa bidding sa World Bank-funded projects? Tsismis din pala ang lakad ni Suzuka, di ba mga suki? At nagamit pa niya ang World Bank! Hehehe! Lumalabas na sore loser lang si Suzuka at gustong gumanti sa mga tingin niya ay umapi sa kanya.
Iniimbita na ni Inday Miriam Santiago si FG sa pagdinig ng Senado sa katiwalian sa WB-funded projects. Ano pa ba ang isasagot ni FG diyan kundi tsismis din, di ba mga suki? Kaya tama lang ang desisyon ni De Luna na magsampa ng protesta sa World Bank sanctions Board na may panalangin na Ire-evaluate ang kanilang rules and procedures pagdating sa bidding ng mga projects.
Nararapat lang aniya na komprontahin niya ang mga testigo laban sa kanya, kabilang na si Suzuka na mukhang nagatungan lang ng mga pulitiko. Kung sabagay, tama lang ang puna ni De Luna na hindi dapat siya husgahan ng sambayanan ukol sa WB report dahil hindi naman kinuha ang panig niya. Saan ang due process dito, ang tanong ni De Luna?
Abangan!
- Latest
- Trending