EDITORYAL - Dapat imbestigahan ng Senado ang Hanjin
KUNG may isang dapat pagkaabalahan ngayon ang mga senador, ito ay ang pag-iimbestiga sa mga nangyayaring aksidente o disgrasya ng mga manggagawa sa Hanjin Shipyard sa Subic. Kapag hindi pa kumilos ang Senado sa mga nangyayaring ito, malamang na madagdagan pa ang mga namamatay sa nasabing shipyard. Dapat nang maimbestigahan kung may ipinasusunod na safety precaution measures ang Hanjin at kung nakatatanggap ba ng kaukulang tulong ang mga manggagawang naaaksidente.
Mula nang mag-operate ang Hanjin noong 2006, nasa 19 na manggagawa na ang namamatay. Kabilang sa mga namatay ang Korean foreman na nasagasaan ng forklift noong January 25.
Noong Martes, muntik na namang madagdagan ang mga nalagas sa Hanjin nang ang shuttle bus na sinasakyan ng mga empleado ay nahulog sa isang bangin sa Bgy. Cawag, Subic, Zambales. Ayon sa report sobrang bilis ng shuttle bus at hindi nakontrol ng drayber ang manibela kaya dumayb sa bangin. Sabi ng mga empleyado, nakikipagkarera ang shuttle bus sa dalawang bus sa kahabaan ng Access Road. Mahigit 50 empleado ang nasaktan.
Patuloy ang nangyayaring insidente sa Hanjin na malinaw na nakikitang may pagkukulang sa mga namamahala. Hindi na binibigyang halaga ng mga namamahala ang kaligtasan ng mga manggagawa. Ang ganitong kapabayaan ay nakita nang ang manggagawang si Raldon del Rosario, 19, ay mabagsakan ng isang bakal. Kai-install lamang umano ang bakal nang bumagsak at namatay on the spot ang kawawang manggagawa.
Kung mayroong ginagawang pag-iingat sa kanilang mga manggagawa ang Hanjin, hindi mangyayari ang ganitong sunud-sunod na mga insidente. Parami nang parami ang mga namamatay at walang aksiyon ang Hanjin. Hindi yata nila nalalaman ang kahulugan ng pag-iingat na dapat ipaalala sa mga trabahador.
Ang ganitong sunud-sunod na insidente ay nararapat nang pakialaman ng Senado. Hindi dapat hayaan ang ganitong kompanya na walang pakialam sa kaligtasan ng mga manggagawa.
Noon pa binalak ni Sen. Pia Cayetano na magkaroon ng inquiry sa mga nangyayari sa Hanjin workers pero nagulat ang senadora nang makialam ang South Korean ambassador. Hindi raw kailangan ang inquiry. Magdudulot lang daw ng substantial at negative repercussions.
Lumalabas na pinangungunahan ng Korean ambassador ang mga Senador. Sino ba ang susundin? Dapat magpakita ng ngipin ang mga senador sa nangyayaring ito sa Hanjin. Hindi dapat mabahag ang buntot.
- Latest
- Trending