Task Force Bolitok, inilunsad ng DENR-III
SA wakas, personal nang nakausap ng BITAG ang bagong upong Regional Executive Director ng Department of Environment and Natural Resources – Region III Antonio Principe.
Kahapon sa BITAG Live, naging panauhin namin si Director Principe at dito, kinumusta namin ang kontrobersiyal na isyu ng pagpapatag ng bundok sa Bgy. Bolitok, Sta. Cruz, Zambales.
Ang isang magandang progreso, bumuo ng grupo si Principe na personal na nagtungo at nag-imbestiga sa nasabing lugar, ang Task Force Bolitok.
Naisagawa na raw ng Task Force Bolitok ang field investigation kung saan, sinuri ang lokasyon ng bundok ng Bolitok. Ayon kasi sa resulta ng survey na isinagawa ni Engr. Clerigo, dati raw itong lubog sa tubig.
Kaya naman ang kompanya ng minahan ng DMCI, walang pakundangan na tinibag ang bundok at pinatag upang maging daan nila sa dagat.
Subalit sa survey ng isa pang geodetic engineer na si Engr. Lazaro, talagang bundok at mataas na lupa ang nasabing lugar.
Inaasahang sa katapusan ng buwang ito, lalabas ang resulta ng imbestigasyon ng Task Force Bolitok.
Ayon pa kay Principe, lahat ng sangkot sa pagsusukat o pagsu-survey ng nasabing lugar ay kabilang ang dalawang nabanggit na inhinyero ay paghaharapin sa Bgy. Bolitok mismo.
Ito’y upang aktuwal na makita kung sino ang nagsasabi ng totoo kung ang idineklarang lot 3566 at 3600 ay tunay na lubog sa tubig o eto ang bundok mis mo ng Bolitok.
Naiintindihan ng BITAG ang panig ni Prinsipe sa mga panahong ito, dahil kauupo lamang niya bilang R.E.D ng region III, siya ang sumalo ng problemang iniwan ni Regidor De Leon. Naniniwala ang BITAG na nalalapit na ang paglabas ng katotohanan hinggil sa panlalapastangan sa bundok ng Bgy. Bolitok.
Kaya dapat managot, maghanda-handa na kayo dahil walang lihim na hindi nabubun yag. Walang bahong hindi sumisingaw.
Walang kasalanang hindi nababayaran at tiyak ng BITAG na mananagot ang may kasalanan!
- Latest
- Trending