EDITORYAL - Linawin sa mga miyembro kapupuntahan ng SSS fund
MARAMING problemado sa kasalukuyan partikular ang mga manggagawang natanggal sa trabaho dahil sa epekto ng global financial crisis. Hilong talilong na ang ilan sapagkat walang alam na pagkukunan ng magagastos. Para namang nananadya na kung kailan, nagtatanggalan ay saka naman umalagwa ang presyo ng mga pangunahing bilihin. Noong isang araw sinabi ng Departmenf of Labor and Employment (DOLE) na magpapatuloy pa raw hanggang sa susunod na anim na buwan ang pagtatanggal sa mga manggagawa. Ilang araw na ang nakalilipas, nagbawas na ng mga manggagawa ang kompanyang Intel. Hudyat na nakasakmal na nga ang global financial crisis sa bansa.
Sa ganitong problema, saka naman biglang inihayag ng Social Security System ang planong pag-invest sa pondo ng mga miyembro sa tinatawag na stimulus package ni President Arroyo. Sabi ni SSS President and Chief Executive Officer Romulo Neri, may full government guarantee ang ilalagak na SSS fund sa programa ni Mrs. Arroyo. Sabi pa ni Neri, ang pagbibigay ng contribution sa stimulus package ay nakasaad sa SSS charter. Ibig sabihin, legal at walang masama kung mag-invest ng pondo ang SSS.
Mula nang pumutok ang tungkol sa pag-iinvest ng SSS fund, binatikos nang husto si Neri. Maraming pulitiko na ang nagpahayag na hindi dapat galawin ni Neri ang pera ng mga miyembro. Hindi anila ito tama.
Maraming SSS members ang nangangailangan ng pera sa kasalukuyan dahil sa mga sunud-sunod na pagkakagastusan. Ngayong panahon ng graduation, tiyak na ang pagsa-salary loan sa SSS ang kanilang inaasahan. Paano kung dumating sa punto na wala nang mautang ang mga miyembro dahil na-invest na pala sa ibang bagay gaya nga ng proyekto ni Mrs. Arroyo? Sa ganitong sitwasyon ang kapakanan ng miyembro ang mas mahalagang unahin.
Nang unang mabulgar ang balak na investment, marami na agad mga miyembro ang nagpahiwatig ng pagkadismaya sapagkat baka raw kung saan mapunta ang kanilang pera sa SSS. Sabi pa ng isang babaing miyembro na kinapanayam sa TV Patrol, kinabahan siya nang malamang iiinvest ang pondo ng SSS.
Ang ganitong pagkatakot o pangamba ay hindi maiaalis sa mga miyembro. Hindi naman kaila na lantad na lantad na sa kasalukuyan ang mga nangyayaring corruption sa gobyerno. Maski ang World Bank ay nadismaya sa mga corrupt na kontratista. Natural lamang na ang SSS members ay nababahala sapagkat ayaw nilang malagay sa alanganin ang kanilang perang inihulog. Gusto nilang malinawan kung saan nga gagamitin ang pondo ng SSS. Ipaliwanag sana ang totoong patutunguhan ng pondo. Dito matatahimik ang kalooban ng mga miyembro.
- Latest
- Trending