HINDI malaman ng BITAG kung kami ba ay tatawa o maaasar sa mga sagot ni Social Security System (SSS) President Romulo Neri kamakalawa sa aming phone patch interview sa kanya sa BITAG Live.
Napakainit ng isyu sa kanya ngayon tungkol sa paglalagay niya ng P12.5 bilyon sa programa ng Presidente na “stimulus package” kontra global krisis.
Ilang mambabatas na rin ang bumatikos sa balak na ito ni Neri dahil wala raw karapatan si Neri na galawin ang pera sa SSS na kontribusyon ng mga manggagawa sa pribadong sektor.
At nitong huli nga ay si Senador Aquilino Pimentel na sinasabing, puwede raw makasuhan si Neri sa paggalaw nito sa pondo ng SSS at hindi nito pagsasapubliko tungkol dito.
Kaya sa pamamagitan ng phone patch interview, pumalag si Neri sa mga akusasyon.
Ayon kay Neri, hindi raw siya puwedeng makasuhan dahil ang gagamiting pera bilang kontribusyon sa SSS ay ang tinatawag na investment money. Lahat ng komite raw ng SSS ang nag-apruba sa P12.5 bilyon na magiging kontribusyon ng SSS sa stimulus package.
Mayroon din daw committee ang SSS na naka-assign sa pagpapakalat ng impormasyon tungkol dito. Hindi naman daw niya puwedeng ipaalam isa-isa dahil milyones ang miyembro ng SSS. Lahat naman daw ng usapin at desisyon ng SSS sa bagay na ito ay nakalagay lahat sa kanilang website.
At dahil website, lahat naman daw ay may access upang silipin at makita at maging informed tungkol dito.
Bago magtanghali, pagkatapos ng aming programa, inulan agad kami ng text messages ng mga empleyadong nakapanood ng interview. Hindi raw totoo ang pinagsasabi ni Neri tungkol sa website, hindi raw sila makapasok sa website ng SSS at wala silang nababasang impormasyon sa kontrobersiyang ito. Na-curious naman kami sa BITAG at kami mismo, sinilip namin ang website ng SSS. Natatawang napakamot lamang kami sa ulo dahil pagbukas ng homepage ng SSS ay ganito na ang nakasulat: sss.gov.ph network servers are currently undergoing maintenance and will be unavailable for the next several days…
Tsk-tsk-tsk, mababasa pala lahat ha. E ang ipinagmamalaki n’yo hong website SSS President Neri ay under maintenance! Kahit petsa, hindi makikita rito, sinisilip niyo ba ang laman ng website n’yo? Tsk-tsk-tsk!