NAGING bahagi na ng buhay ng mga Dabawenyo na walang araw na dumaan na walang pinapatay o summary execution na nagaganap. Minsan nga higit pa sa dalawa at umabot hanggang apat ang pinapatay sa loob ng isang araw dito sa Davao City.
May isang nakakapuna sa mga pinapatay, kung hindi addict, drug pusher, magnanakaw o ‘di kaya ay nasangkot sa anumang krimen. Minsan may mga sinasabing gang members din ang naging biktima, lalo na iyong mga mahilig umatake sa riots. At nitong mga huling araw, may mga babae na rin sa mga pinapatay.
Sa pagpasok ng 2009, mas higit na ang bilang ng pinapatay kaysa kung ilang araw meron ang Enero.
Naalarma na ang iba’t ibang sector sa mga pangyayari dahil wala na ngang ibang laman ang mga balita sa TV at sa radio, maging sa newspaper, kundi ang tumataas na bilang ng mga biktima ng summary killings.
Maging si Mayor Rodrigo Duterte ay na-alarma na rin sa walang humpay na extra-judicial executions. Inutusan ni Duterte and Davao City Police Office na kailangang malutas at mahinto na ang mga kaso ng summary killings sa siyudad.
Ang mga relihiyoso, mga pari at mga abogado ay umalma na rin. At katulad ng mga kamag-anak ng mga biktima, humahangad din sila ng hustisya para sa mga binaril at sinaksak ng mga di pa nakikilalang salarin.
Ang Commission on Human Rights ay tinatawag na rin ang attention ng local police dahil nga sa sunud-sunod na patayan. Kailangang respetuhin ang karapatang pantao ng bawat nilalang, mapa-kriminal man. Tinatawagan ng CHR officials na lumantad ang mga testigo at magbigay ng testimonya upang matulungan ang mga kamag-anak ng mga biktima na maihabla ang mga suspetsado.
Pinatawag na ng mga miyembro ng Sangguniang Panglungsod ang mga opisyales ng DCPO upang magpaliwanag sa mga nangyayaring summary killings.
Sa gitna ng mga pangyayaring ito, lumalabas na naging inutil ang DCPO sa pagsugpo ng walang humpay na patayan.
Hindi nga matukoy ng mga otoridad kung sino ang may kagagawan ng mga extra-judicial killings. At wala ngang ni isang kasong naihabla laban sa kung sino mang suspect sa kaso ng summary executions.
Ngunit, sa kabila ng perception na naging inutil ang DCPO laban sa summary killings, nagwagi pa rin itong ‘RP’s best city police office’ for 2008 nitong huling anniversary ng Philippine National Police.
Pinaliwanag ni DCPO chief Senior Superintendent Ramon Apolinario na marami ngang batayan ang pagpili ng best city police office. Naniwala naman si Apolinario na deserving nga ang DCPO sa nasabing award dahil nga mataas ang rating nito sa ibang aspeto gaya ng administrative management, local government support, emergency response mechanism at marami pang iba.
Subalit, sana ang target ni Apolinario ay hindi lang ang makamit muli ng DCPO ang ‘best city police office’ sa susunod na PNP annual awards. Dahil aanhin pa ang prestihiyosong award kung ang mga mamamayan ay nanginginig sa takot kung sino ang susunod na papatayin.
Aanhin pa ang maging ‘best city police office’ ng bansa kung patuloy na humahaba ang listahan ng mga biktima ng extra-judicial killings?
Mas masarap iyong manalo ang DCPO ng ‘best city police office’ na kasabay ang mga mamamayan na makisaya at magbunyi dahil wala ngang bahid ng extra-judicial executions.
At nang sa gayon, totoo na ngang maipagmalaki ng mga Dabawenyo ang DCPO.