Ang mukha ng tao
Ang mukha ng tao’y iba’t ibang hugis
May mukhang maganda at mayroong pangit;
May nakakatuwa may nakakainis
May mukhang marusing may mukhang malinis!
Sa loob ng bahay ating nakikita
Kahi’t magkapatid mukha’y magkaiba;
Sa mga magulang kung ikukumpara
Mga anak nila’y iba rin ng kara!
Habang naglalakad sa mga lansangan -–
Mga kasalubong ay ating pagmasdan;
Mukha’y magkaiba kahi’t magsinggulang
Ang mukha ng isa’y pangit ilarawan!
Kung kambal ang bata ating mapapansin
Sila’y magkamukha pero kaiba rin;
Pagmasdang mabuti’t ating siyasatin
At matutuklasang ang isa’y may taling!
Tabingi ang mukha ng isang kapatid
Dahil nang isilang ito ay pinilit;
Doon sa ospital dahil sa masikip
Naisip ng doctor gamitan ng forcep!
Malapad ang mukha nitong si Golden Boy
Sa suntok ni Pacman nagkabukol-bukol;
Ang mukha ni Pacquiao palibhasa’y Pinoy
Kahi’t katamtaman tinanghal na kampeon!
Dahil sa maganda ang mukha ni Angel
Mga pelikula ay kagiliw-giliw;
Ang kanyang katambal lalaking magiting
At saka ang mukha Adonis ang dating !
May mukhang magaspang pero ang ugali
Ay lubhang maganda at iba ang uri;
Siya’y pasensyosyo’t laging nakangiti
Busilak ang puso’t tunay na kalahi!
Sa mukha ng tao’y ating malalaman
Kung siya’y mabait kung siya’y matapang;
Ang ugali’t ganda ng sangkatauhan
Sa mukha ng tao ay matatagpuan!
- Latest
- Trending