HALATANG hindi seryoso ang gobyerno sa pagtulong sa mga OFW, dahil sa liit ng budget na ibinigay sa Department of Labor para sa taon na ito. Malaki nga ang total budget na P1.4 trillion, ngunit lampas lamang sa P7 billion ang inilaan para sa DOLE, kumpara sa ibang departamento ng gobyerno na nabigyan ng double at triple digits sa bilyones na halaga.
Totoo, ang Kongreso ang nagbalasa sa budget na ito, ngunit si Mrs. Gloria Macapagal Arroyo ang pumirma nito para maging batas, kaya malinaw na sang-ayon din siya sa pagbibigay ng maliit na budget para sa DOLE. Totoo, mahalaga rin ang trabaho ng ibang mga departamento, ngunit sa liit ng budget na ibinigay, lumabas ang tunay na damdamin ng Kongreso at Palasyo na hindi talaga priority para sa kanila ang mga manggagawa, lalo na ang mga OFW.
Simple lang ang usapan na ito. Hindi ba kung sino ang nagdadala ng pera, sila dapat ang mas maraming paki nabang? Ayon sa mga international agencies, halos katumbas ng 30% sa national budget ang kinukurakot ng mga taong gobyerno, na parang lumalabas na napupunuan naman ng mga OFW dahil sa kanilang mga remittance.Sa ganitong usapan, bakit hindi man lang magawang double digit ang budget ng DOLE kahit P10 billion man lang upang humigit pa ang serbisyo para sa mga OFW?
Alam naman ng Kongreso at Palasyo na ang mga OFW ang nagiging tagapagligtas ng ating ekonomiya dahil sa kanilang mga remittances. Dahil sa katotohanan na ito, hindi ba dapat na dagdagan ang budget para sa kanila upang sila naman ang ma iligtas ng gobyerno?
Dahil sa galit ko sa pambabastos na ito sa mga OFW, naisip ko tuloy na panahon na talaga na magkaroon ng totoong representation ang mga OFW sa Kongreso, upang matiyak na sa hatian ng pera sa budget ng gobyerno, ay hindi sila madedehado.
Panahon na siguro na may party-list na sarili ang mga OFW.