EDITORYAL - Parusang mabigat vs mga corrupt
SA China ay marami ring corrupt at kriminal. Marami rin doon ang mahirap. Ang labis na nakahahanga sa China ay ang mabilis nilang paglalapat ng parusa sa mga nagkakasala. Inaabot lang ng dalawa hanggang tatlong buwan at naipapataw na ang parusa. At hindi basta-basta ang parusa sa mga nagkakasala nang mabigat ang kanilang ibinibigay — firing squad. Doon, kahit babae ay hindi pinatatawad kapag napatunayang nagkasala nang mabigat. Doon, walang mayaman at walang mahirap basta nagkasala nang mabigat tiyak na tatanggap nang parusang mabigat.
Patunay nang mabilis na paggalaw ng hustisya sa China ay ang mabigat na hatol sa mga taong sangkot sa paghahalo ng melamine sa mga gatas na ikinamatay ng mga sanggol noong nakaraang taon. Ilalapat sa mga napatunayang nagkasala, isa ay 60-anyos na babae ang parusang firing squad.
Sana ay ganito sa Pilipinas para naman magkaroon ng pagbabago sa bansang ito at mabawasan ang mga corrupt, drug traffickers, rapist, terorista at iba pang masasama. Sa dami ng mga gumagawa ng masama sa bansa, kung ang sistema sa China ang gagamitin dito, mababawasan ang mga masasama at maaaring makaahon sa kahirapan.
Sa dami ng mga corrupt sa Pilipinas, walang ibang nagdurusa kundi ang mga mahihirap. Patuloy silang nababaon sa kahirapan at hindi na makaahon. Paano’y walang patid sa pagnanakaw ang mga kawatan at wala nang itinitira sa kabang-yaman. Bundat na bundat na pero patuloy pa rin sa pagpapakabusog.
Panibagong kaso ng corruption na iniimbestigahan ng Senado ay ang tungkol sa tatlong kompanya na nakakakuha ng kontrata para sa road projects na tinanggihan ng World Bank dahil sa corruption. Ang masaklap, ibinunyag ni Sen. Panfilo Lacson na may kaugnayan si First Gentleman Mike Arroyo kaya nakakakuha nang malalaking proyekto ang mga kompanya. Malaking pera ang sinusuhol ng kompanya para makakuha ng proyekto.
Sana katulad sa China ang sistema ng pagpaparusa sa Pilipinas para magkaroon ng kaayusan at mawala na ang mga matatakaw.
- Latest
- Trending