A senate diminished
GULAT pa rin ang REPORT CARD sa kapangahasan ng Korean Ambassador na warningan ang Senadong huwag imbestigahan ang mga pagkamatay sa HANJIN SHIPYARD sa Subic. Kamangha-mangha ang ginawa ni Choi Joong-Kyung dahil: (1) ito’y obstruction o kung hindi man ay pakikialam sa legislative functions ng Senado; (2) labag ito sa patakaran ng diplomasya na dapat ay kabisado ni Ambassador Choi bilang diplomat; (3) naghahatid ito ng mensahe na walang halaga ang lampas 40 nang buhay na nakitil?; at (4) malinaw itong pambabastos sa posisyon ng ating mga hinahangaan at nirerespetong Senador. Ngayon pa kung kailan BAHAY ni ENRILE ang Senado.
Bakit kaya’t tila nalaglag na ang SENADO mula sa dati niyang pedestal? Maaalalang si Senate President Enrile mismo ang naka-enkuwentro ng mga European Chamber of Commerce noong 2007 nang inakusahan ang mga Senador na hindi naiintindihan ang mga usapin sa Energy. Para sa mga batikan sa serbisyo, ikinagulat ang lakas ng loob (o kapal ng apog) ng mga Puti na duruin ang mga Senador sa sarili nilang pamamahay. Dati (bago mag-martial law hanggang nitong panahon ni FVR) ay hindi mo kailanman maririnig na sinasagut-sagot na lang ang mga senador. Ngayon, ordinaryong kaganapan na lamang ang pagbalewala ng mga imbitado sa mga humalili kina Amang, Tanny, Pepe, Soc, Turing, at iba pa.
Malaking bahagi ng paglaho ng aura ng Senado ay ang hayagang pagmamaliit na ginawa dito ng dati nitong kagawad na si GMA. Sa kanyang patakaran sa EO 464, ipinagbawal ang pagsunod kahit sa lehitimong subpoena kapag walang pahintulot ng Palasyo. May kinalaman din ang Supreme Court dahil sa unti-unti nitong pagkapon sa mga mahalagang kapangyarihan ng Lehislatura na mag-imbestiga. Hindi rin matatakasan ang sisi ng mismong mga Senador sa pagpayag nilang apak-apakan ng ganoon lang ang kanilang institusyon. Kung naging mas masigasig lang sila bilang isang Kamara ay sana’y hindi napabilis ang kanilang paglaho sa eksena. At siyempre, sa huli ay nasa ating mga tao rin ang pagsisisi. Tayo ang pumili, di ba?
Ang unang institusyong pinasara nang magdeklara si President Marcos ng martial law ay ang Senado. Malungkot isipin pero sa tingin nyo ba’y pag-aaksayahan pa ito ng panahon ni GMA kung magdeklara rin siya ng martial law?
- Latest
- Trending