ANG mga sakit sa balat tulad ng buni, an-an at alipunga ay dahil sa mga fungal infections. Ang tawag na medikal dito ay Tinea infections.
Puwedeng kumalat ang fungal infections sa balat ng katawan (tawag dito ay buni), sa mukha (an-an), sa kuko, sa ulo, sa singit (hadhad o Jock’s itch), at sa paa (alipunga). Pare-pareho lang ang gamutan ng mga ito.
Buni o Ringworm infection:
Ang buni ay madalas makita sa katawan, mukha at mga braso at binti ng tao. Ito’y parang may patsi-patsi sa balat, mapula-pula at may mga parang kaliskis (scales) na nagbabalat. Hindi rin regular ang mga paligid nitong infections, parang tabingi na kumakalat. Medyo makati ang fungal infections.
Hadhad o Jock itch:
Ang fungal infection na ito ay madalas makita sa mga atleta, tulad ng mga basketball player, football player at runners. Sa kanilang pag-e-exercise, laging mainit at pawis ang kanilang mga singit, lalo na kung masikip ang kasuotan.
Mapula at mamasa-masa ang hitsura ng singit ng may Jock itch. Makati ito at maaaring magkasugat din. Kapag summer, marami ang nagkaka-jock itch.
Dapat ay mahanginan at tuyo palagi ang singit. Huwag magsuot ng masisikip na briefs, maong at pantalon. Mag-boxer shorts na lang o kapag nasa bahay ay huwag nang mag-briefs.
Alipunga o Athlete’s foot:
Ang alipunga ay nakikita sa mga daliri ng paa. Kapag madalas mapawisan ang paa dahil naka-medyas at sapatos, puwede magka-alipunga. Ang mga sundalo, security guard at drivers ay madalas magka-alipunga.
Ang alipunga ay galing sa fungus na Tinea pedis. Ito’y kumakalat sa pagitan ng mga daliri ng paa. Dahil dito, nagkakasugat at nangangati ito. Namamasa at nangangamoy din ang paa ng may Athlete’s foot.
Dapat panatilihing tuyo at malinis ang ating paa. Kung puwede ay magtsinelas o mag-sandals na lang para mahanginan ang paa. Huwag nang mag-medyas. May tulong din ang mga foot powders para dito.
Paano ito gagamutin?
Ang mga fungal infections sa balat (tulad ng an-an, buni, hadhad at alipunga) ay magagamot ng mga anti-fungal cream: (1) Dermalin Cream, generic name ketoconazole. Ipahid ito ng dalawang beses sa maghapon. Gawin ito ng dalawang linggo hanggang gumaling; (2) Sa matitinding impeksyon, gumamit ng United Home Ketoconazole Cream. Ipahid ng isang beses sa gabi. Gawin ito ng dalawang linggo.
Kapag bumalik ang fungal infection, pahiran ulit ng Cream hanggang gumaling. Kapag hindi pa rin mawala, kumunsulta sa doktor o dermatologist. Nakakahawa ito, kaya mag-ingat!
* * *
(E-mail: drwillieong@gmail.com)