SIKAT na sikat na si Charice Pempengco, ang batambatang Pinay na mang-aawit na hindi mo malaman kung saan hinuhugot ang ganda ng boses. Pinagkakaguluhan siya sa Amerika ngayon hindi lamang ng mga Pilipino kundi ng iba’t ibang lahi. Nasaksihan nila ang galing ni Charice nang kumanta ito sa pre-inaugural parties bago mag-oathtaking si President Barack Obama.
Sinalubong si Charice ng masigabong palakpalakan at standing ovation na ginagawa lamang ng audience sa performers na talaga namang sobra ang galing. Pati nga ang kapatid ni Obama na isa sa mga nasa audience ay napatayo at walang tigil sa pagpalakpak sa Pinay singer. Niyakap pa nito si Charice.
Nasasanay na yata si Charice na salubungin ng standing ovation. Nangyari ito nang mag-guest siya sa kauna-unahang TV appearance niya sa US sa Ellen Degeneres Show. Ganoon din ang nangyari sa TV show ni Oprah Winfrey. Nagulat si Oprah sa galing ni Charice at nabanggit niya ang salitang “where did this girl come from.”
Sa impluwensiya ni Oprah, ginawan ng paraan ni David Forster, sikat na composer at talent developer, na maisama si Charice sa concerts ng mga world entertainment celebrities gaya nina Celine Dion at Andrea Bocelli.
Nakapag-perform si Charice sa pre-inaugural balls ni Obama dahil din sa tulong ni Oprah. Nabalitaan ko, magkakaroon na rin daw ng isang TV show sa US si Charice. Minamadali naman ni Forster ang record album ni Charice para may mabili na ang mga tao sa Amerika na kasama ang world entertainers. At last, mayroon nang Pilipino na hahangaan sa buong mundo sa larangan ng entertainment.