TATLUMPONG taon na pagkakakulong ang hatol sa mga nagtanim ng bomba sa Ligh Rail Transit noong Dec. 30, 2000. Sa laki ng kasalanan ng mga nambomba, kulang ang parusang ito. Kung ano ang kanilang inutang iyon din sana ang dapat na kabayaran. Pinatay nila ang 11 tao at nasugatan ang may 80 dahil sa kanilang kasamaan. Ganoon pa man, nahatulan na ang mga bombers at kahit paano, nagkaroon ng ngiti sa mga labi ng mga naulila. Inabot ng siyam na taon bago nakakuha ng hustisya ang mga biktima.
Hinatulan noong Biyernes ang tatlong bombers na pawang mga miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF). Ang tatlo ay may kaugnayan sa mga teroristang grupong Jemaah Islamiyah na ang lider ay si Fathur Roman Al-Gozi. Napatay naman si Al-Ghozi makaraang tumakas sa Camp Crame ilang taon na ang nakararaan.
Tatlumpong taon sa kulungan ang gugugulin ng tatlong bombers at hindi sila maaaring bigyan ng parole. Ayon sa korte, matibay ang mga ebidensiya sa tatlo. Isa sa mga akusado ang nagtanim ng bomba sa LRT. Sumakay ito sa Buendia Station na may dalang bag. Nang huminto sa Tayuman Station ay bumaba at wala nang dalang bag.
Nang sumapit sa Blumentritt Station dakong 12:30 ng hapon ay sumambulat ang isang kotse ng LRT. Sa lakas ng pagsabog ay nawasak pati ang bahagi ng bubong ng Blumentritt Station. Naglipa-ran ang mga gamit ng pasahero, nagkalat ang mga sapatos, tsinelas, prutas at kung anu-ano pang mga pinamiling groceries na marahil ay panghanda sa New Year.
Ang pinakamasaklap na tanawin ay ang mga nagkalat na bangkay at mga sugatang pasahero. May mga piraso ng laman na tumalsik sa mga baha gi ng train. May mga batang biktima, may mga matanda at marami ang natulala at di makausap sa tindi ng pagsabog. Hanggang ngayon, sariwa pa sa mga nakaligtas ang bangis ng bomba ng mga terorista.
Kulang ang parusa sa ginawa nilang kasamaan sa mga inosenteng mamamayan. Sa ibang bansa, ang umuutang ng buhay ay buhay din ang kabayaran.