Nasaksihan ko ang panunumpa ni Obama
ISA ako sa dalawang milyong tao na nakikipagsiksikan sa National Mall sa harapan ng Lincoln Memorial sa Washington, D.C. para masaksihan ang panunumpa ni Barack Obama bilang 44th President ng United States of America noong Martes (January 20).
Nang dumating kami ng alas-4 ng madaling-araw sa lugar na yun, marami nang tao kahit na alas-12 pa ng tanghali ang oathtaking. Mahigpit ang security. Ilan sa mga nakausap ko ang nagsabi na dumalo daw sila sa okasyon dahil gusto nilang maging bahagi ng kasaysayan ng America.
Nang manumpa at magtalumpati si Obama ay nakita kong may mga umiiyak. Emosyunal ang damdamin ng mga naroroon. Sabi ng ilan kong nakausap, malaki raw ang magagawa ni Obama upang maiahon ang lugmok na ekonomiya ng Amerika. Tanggap daw nila na hindi kaagad-agad mapahihinto ni Obama ang krisis subalit malaki ang pag-asa nila na bubuti ang kalagayan ng Amerika.
Hindi maitatago na engrande ang oathtaking ceremonies ni Obama. Nasa $150 millon daw nagastos sa inauguration. Maaaring totoo sapagkat sa security pa lamang, limpak na salapi na ang umagos. Tinatayang 10,000 security men ang ginamit.
Sinubukan kong bumili ng tiket upang makapasok sa inaugural balls noong gabi ng oathtaking day subalit matagal na raw ubos kaya nanood na lamang kami sa TV.
Bahagi na rin ako ng kasaysayan sapagkat nasaksihan ko ang panunumpa ng kauna-unahang African- American President.
- Latest
- Trending