ANG aking panganay na anak na si Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada ay nagpanukala ng pagsasagawa ng barangay-based retraining and hiring program para sa OFWs at iba pang manggagawa na natanggal sa trabaho dahil sa global recession.
Si Jinggoy, chairman ng Senate Committee on Labor, Employment and Human Resources Development, at ng Joint Congressional Oversight Committee on Labor and Employment, ay naniniwalang malaki ang maitutulong ng barangay-based businesses sa pagharap sa krisis.
Partikular niyang tinukoy ang mga negosyong tinutulungan ng pambansang pamahalaan sa pamamagitan ng Barangay Micro Business Enterprise (BMBE) Act of 2002 (Republic Act 9178) na nagtatag ng programa para suportahan ang maliliit na barangay-based business na hindi lalampas sa P3-milyon ang kapital at nasa larangan ng production, processing at manufacturing ng commodities, o sa agro-processing, trading at services.
Sa ilalim ng naturang batas, ang mga negosyong ito ay exempted sa pagbabayad ng income tax at pagsunod sa minimum wage, mayroong specially dedicated credit windows mula sa mga financial institution ang mga guarantor, at maliit lang ang binabayarang tax at fees sa local na pamahalaan. Ang BMBE program ay may inisyal na P300-million special revolving fund.
Nakaaalarma ang ulat ng Department of Labor and Employment (DoLE) na libu-libo nang OFWs at iba pang manggagawa ang natanggal sa trabaho dahil sa pagbagsak o pagsasara ng mga kompanya, tulad ng mahigit 35,000 na na-retrench sa mga pabrika sa Laguna Technopark sa Biñan at Sta. Rosa, Laguna na nag-e-export ng electronics at auto-motive parts.
Ang mga barangay-based business ay nagsisilbing sustaining industry na nananatiling matatag sa kabila ng krisis, at ang mga ito ang may kakayahang makapagbigay ng retraining at kapalit na trabaho sa mga manggagawang apektado ng krisis.
Sa kanilang paglahok sa barangay-based retraining and hiring program, dapat silang big-yan ng pamahalaan ng mga dagdag na insentibo bukod pa sa kasaluku-yan nang iginagawad ng BMBE law.