KASO ito ng mag-asawang Pol at Mercy. Upang makakuha ng puhunan sa negosyo, nangutang sila sa banko sa pamamagitan ng tinatawag na “credit line”. May nakahandang P4.7 milyon na ipagagamit ng banko sa kanila. Ang interes nito ay pareho sa umiiral sa merkado at may patong na 3 percent na multa kada buwan na hindi sila makabayad sa utang.
Upang matiyak na mababayaran ang utang, isinangla ng mag-asawa noong Marso 31, 1997 ang dalawang parselang lupa na pag-aari nila, isang 300 metro kuwadrado (TCT No. N113861) at isang 446 metro kuwadrado (TCT No. N-129036). Parehong nasa Marikina ang lupa. Ayon sa pinirmahang dokumento ng pagkakasangla, gagamitin ang lupa sa pagbabayad ng P4.7 milyon utang pati interes at anumang bayarin sa banko.
Nagamit nina Pol at Mercy ang ipinahiram na P4.7 milyon ngunit nakabayad din naman sila ng kabuuang halaga na P3,669,210.67. Pagkatapos ay hindi na sila muling nagbayad sa banko kaya umabot ng P14,024,623.22 ang kanilang utang. Kasama na rito ang 15% interes ng banko kada taon at ang 3 percent multa.
Noong Abril 10, 2003, inilit ng banko ang nakasanglang ari-arian ng mag-asawa at ibinenta sa public auction. Ang banko rin ang bumili sa halagang P4,284,000.00.
Noong Oktubre 8, 2003, nagsampa ng kaso ang mag-asawang Pol at Mercy upang mapawalang-bisa ang naging bentahan. Hiningi rin nila sa korte na magkaroon ng kaukulang pagtutuos ng lahat ng halagang sangkot pati na danyos. Wala raw bisa ang ginawang pagremata at pagbenta sa lupa dahil hindi naman sila pumayag sa 15 percent interes kada taon at sa 3 percent multa kada buwan. Isa pa, lubhang napakataas ng interes ng banko. Hiningi nila sa korte na bawasan ang interes at gawing 12 percent lamang.
Hindi naman daw sila pumayag sa 15 percent interes kada taon at sa 3 percent multa kada buwan. Isa pa, lubhang napakataas ng interes ng banko. Hiningi nila sa korte na bawasan ang interes at gawing 12 percent lamang.
Ayon sa desisyon ng korte, kasama sa kontrata ng pagkakasangla ang 15 percent interes at ang 3 percent multa. Ngunit dahil napakataas nito at hindi na makatao, ibinaba ng korte ang interes at ginawang 12 percent lamang kada taon at 1.5 percent naman ang multa kada buwan. Pinawalang bisa ang naunang bentahan at ipinatuos kung magkano na ang dapat bayaran base sa desisyon ng korte. Sinang-ayunan ng CA ang desisyong ito ng korte. Tama ba ang korte at ang CA?
MALI. Dapat na limitado lamang sa napagkasunduan sa kontrata ang magiging usapin sa korte. Dahil hindi nakasaad sa kontrata ang tungkol sa 3 percent multa, dapat alisin ito sa sinisingil ng banko.
Ang tinatawag na “penalty fee” at ang tinatawag na “bank charges” ay magkaibang bagay. Ang bank charges ay lahat ng halagang binabayaran para sa serbisyo at ginastos ng banko tulad ng pangongolekta ng utang, pagkuha at pag-asikaso sa isinanglang lupa at lahat ng bayarin na may kinalaman sa pagreremata nito. Ang penalty fee naman ay ang binabayarang danyos o multa na nagsisilbing parusa sa paglabag sa kontrata. Bilang isang parusa, dapat na malinaw itong nakasaad at napagkasunduan sa kontratang pinirmahan ng magkabilang-panig. Hindi katulad sa kasong ito na basta na lamang sinisingil sa mag-asawa ang 3 percent parusa. Dapat na malinaw ang kontrata ng pagkakautang. Hindi dapat maloko o madaya ang sinuman sa pamamagitan ng mga salitang ginamit sa kontrata. Ang penalty charge ay hindi kasama sa obligasyones ng utang.
Ang kontratang sangkot sa kaso ay ang kasunduan sa utang kung saan nakalagay ang 3 percent multa. Karagdagan na lang ang kontrata ng sangla. Ngunit nagging magulo ang usapan ng magkabilang panig dahil hindi magkatugma ang dalawang kontrata. Hindi nakasaad sa kontrata ng sangla ang tungkol sa 3 percent multa.
Pabor sa nangutang na mag-asawa ang nangyaring malabong sitwasyon ng mga kontrata. Ang banko ang dapat sisihin sa nangyari. Kasalanan nito dahil ito ang gumawa ng mga kontratang pinirmahan ng magkabilang panig. Hindi pinagbabawalan ang banko sa paglalagay ng kondisyones tulad ng penalty fee, ang kailangan lamang ay malinaw itong nakasaad sa mga kontrata. Walang parusang dapat ipataw sa mag-asawa dahil hindi naman ito nakasaad sa kontrata ng sangla kaya nararapat lamang na alisin ang 3 percent penalty fee sa kanilang babayaran (Spouses Viola vs. Equitable PCI Bank, G.R. 177886, November 27, 2008).