EDITORYAL - Toxic sa Subic at Clark ipalinis kaya ni Barack

NOON pang 1992 hinihiling ng People’s Task Force for Bases Cleanup (PTFBC) sa gobyerno ng United States na linisin ang toxic na naiwan sa dating Subic Naval Base sa Zambales at Clark Air Base sa Pampanga. Subalit walang sagot ang US sa kahilingang ito. Labimpitong taon nang paulit-ulit ang panawagan para linisin ang toxic wastes subalit nanatiling bingi ang pamahalaang Amerikano.

Bukod sa PTFBC, marami pang grupo ang nana­wagan sa US para linisin ang toxic para hindi na du­mami ang mga nagkakasakit sa paligid ng dala­wang dating US naval and air bases. Ang Dominican Order sa Pilipinas ay isa sa mga lumapit sa United Nations Commission on Human Rights at hiniling na pilitin nito ang US para linisin na ang toxic na iniwan. Ayon pa sa Dominican, nasa 375 katao, 282 dito ay mga bata na nakatira sa paligid ng Subic ang namatay dahil sa leukemia. Labindalawang kaso naman ng mga taong nakatira sa paligid ng Clark ang na-monitor na may leukemia. Tinatayang nasa 8,000 workers sa dating Subic Ship Repair Yard ang na-exposed sa asbestos, radioactivity at iba pang toxic chemicals.

Labing-siyam na taon na ang nakararaan mula nang umalis ang mga Amerikano sa Subic at Clark at sa loob ng panahong iyon ay marami na ring buhay ang napinsala at karamihan ay mga walang malay na bata. Ang dalawang dating American bases ay ikinonvert na ng gobyerno sa economic free ports mula noong 1991. Napaganda at naging kaaya-aya sa paningin ang lugar. Malinis, maayos at may disi­plina sa trapiko sa loob ng dating mga base. Subalit sa kabila niyan, mayroon palang nakalimutan ang gobyerno — ang mga toxic wastes na naiwan sa dalawang base ay hindi nilinis at patuloy na banta sa buhay ng mga taong nakapaligid. Maganda ang panlabas na kaanyuan pero sa ilalim naman pala ay patuloy na gumagapang ang mga mapaminsalang toxic na unti-unting gumagapang at pumapatay lalo na sa mga kawawang bata.

Walang ginagawa ang gobyernong Arroyo para pilitin ang gobyernong Amerikano na linisin ang iniwang toxic. Walang ginawa ang Bush administration sa kasong ito. Sa pag-upo ni Barack Obama kahapon bilang 44th president ng US, sana naman makita niya ang duming iniwan ng kanyang mga kasamahan. Sana’y gumawa rin ng hakbang ang administrasyong Arroyo.

Show comments