Hataw ni Gonzalez: Mga implikasyon

MABIGAT ang ipinaratang ni Justice Sec. Raul Gonzalez laban kay Marine Maj. Ferdinand Marcelino. Labag umano sa Konstitusyon ang pagtalaga ng opisyal ng militar bilang hepe ng Special Enforcement Service ng Philippine Drug Enforcement Agency. Ayon kasi sa General Provisions (Article ZVI, Section 5, Subsection 4, “Hindi maari italaga kailanman ang kasapi ng Sandatahang Lakas na nasa aktibong serbisyo sa sibilyang posisyon sa gobyerno, kasama na ang mga korporasyon as subsidiaries nito.” At dahil dito, ani Gonzalez, walang bisa lahat ng mga kilos ni Marcelino (at 19 pang kapwa-sundalo) sa PDEA.

Pakahulugan ni Gonzalez na ang pagkakadakip sa tatlong “Alabang boys” drug trafficking suspects ay walang bisa. Ito’y dahil si Marcelino ang namuno sa pagdakip sa tatlong mayayamang binata sa Ayala-Alabang at Cubao, Metro Manila. Hindi baleng nasa malayong command   center si Marcelino habang mga operatiba niya ang aktwal na nang buy-bust. Sa prinsipyo ng “fruit of the poisoned tree,” kung ilegal ang presensiya ni Marcelino at iba pa sa PDEA, ilegal na rin ang mga kilos nila, miski sa ngalan ng batas lahat ito.

“Fruit of the poisoned tree” din ang ihinirit ng Department of Justice prosecutors sa pagpapa-dismiss sa kaso ng “Alabang boys”. Umano’y illegal warrantless arrest ang isinagawang buy-bust — bagay na ikinagalit ng PDEA kaya ibinunyag nito ang umano’y P50-milyong suhulan sa DOJ. Ani opposition spokesman Atty. Adel Tamano, sine-setup ni Gonzalez si Marcelino para tuluyan nang i-dismiss ang “Alabang boys” case.

Kaya nga lang, dagdag ni Tamano, pati ngayon mga ibang kasong droga ang maaaring ibasura ng DOJ at korte kung kakatigan ang pananaw ni Gonzalez. Lalaya at mag­lili­pana ang drug lords. Lalala ang adiksiyon.

Sa hangad ni Gonzalez na palayain ang “Alabang boys” at katigan ang mga ipinasus­pinding prosecutors, ipina­hamak din niya ang mga ka­samahan sa Cabinet at mis­mo ang among si Presidente Gloria Arroyo. Lahat ng PDEA appointments ay dumaan   kay GMA. Maaari siyang  i-impeach.

Show comments